Bago ihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang report sa kanyang ikalawang State of the Nation Address ngayong Lunes ay ilang mga mahihirap na mamamayan ang naglabas ng kanilang mga inaasahan mula sa Pangulo.
Ayon sa isang tindera ng karne sa isang public market sa Metro Manila na kinilalang si Rosalie Medina, sa ilang taong pakikinig niya ng SONA ay pakiwari niyang hindi pa rin nababago ang kanyang buhay.
Sinabi pa ni Medina na mula nang maging tindera siya ng karne na minana pa niya mula sa kanyang mga magulang ay napagtanto niyang ang tanging nagbabago lamang ay ang presyo ng kanyang mga itinitindang karne.
“Walang nagbago, kundi yung presyo. Yung paghihirap ko, na gumising ng maaga, magtinda, umuwi at magluto para sa pamilya, then, magtinda uli sa hapon. Yun pa rin ang ginagawa ko,” saad ni Medina.
Dagdag pa niya, ngayong siya na ang nagtataguyod ng pamilya ay hirap na siyang igapang ang kanyang mga anak upang makapagtapos ng pag-aaral, hindi gaya umano noong panahon ng kanyang mga magulang na nakapag-pundar ng isang bahay para sa kanilang magkakapatid.
“Hindi ko na magagawa ang nagawa nila. Nagpapasalamat na lang ako at naiwanan nila kami ng matitirahan. Pati itong meat stall… natulungan ako nito na pag-aralin din ang aking mga anak, gaya nila nanay at tatay,” sabi pa ni Medina.
Giit pa niya, wala naman umanong tumulong sa kanila na kahit sinong politiko – mapa-lokal man o sa national government at dagdag niya, hindi para sa kanilang mahihirap ang SONA.
“Iyang SONA, para sa mayayaman lang yan. Di naman namin alam ibig sabihin ng mga pinagsasabi ng mga Presidenteng nagdaan sa buhay natin o namin. Nagdaan lang nang walang nangyari sa amin. Kung di kami magsusumikap, mas mahirap pa ang lagay namin malamang ngayon,” sabi ni Medina.
Pero magkagayunman ay umaasa siya na kung sakaling mabanggit ng Pangulo sa kanyang SONA ang mga ginagawa niya para maisaayos ang kanilang buhay ay magtitiwala pa rin siya sa Pangulo.
“Yun may pangako na matutupad, gaya pag nagkasakit ako, libre ba ang aking ospital? Yun kapitbahay ko namatay nang nanghihingi ng tulong ang pamilya sa mga pulitikong ito,” saad ni Medina.
Para naman kay Mang Danny, isa lang umano ang nais niyang marinig sa Pangulo, at yun ay yung mabigyan ng mga bahay ang walang bahay.
“Isa lang ang gusto ko marinig, bahay sa mga walang bahay. Wala kami nun, kaya napilitan silang palayasin ako,” sabi ni Mang Danny.
Samantala, umaalma naman ang ilang urban poor groups sa isinasagawang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino ng Marcos administration dahil “overly dependent” umano ito sa mga private developers at nagkakaroon umano ng diskriminasyon sa mga “poorest of the poor.”
“The program is neither affordable nor equitable for the poorest among the homeless Filipinos. Pagkatapos ng anim na taon, maaring nagkabahay ang mga naka-aangat pero ang mahihirap ay hindi,” sabi ng mga grupo.