Walang Ella Fajardo, Khate Castillo, Camille Clarin at Clare Castro, mga key players ng Gilas Pilipinas women’s team, na maglalaro para sa koponan ni head coach Patrick Aquino sa papalapit na William Jones Cup sa Taipei sa 5 ng Agosto.
Kamalailan lang ay inilabas ni Aquino ang 12-player line up ng Jones Cup at wala rito ang mga premyadong players gaya nina Fajardo, Castillo, Clarin at Castro, na naging malaki ang ginampanang papel sa pagkuha ng silver medal ng Pilipinas sa nakaraang Southeast Asian Games sa Cambodia nitong Mayo.
Si Fajardo at si Castillo ang nagsisilbing dependable backcourt duo ng koponan.
Bukod sa pagiging mukha ng Gilas sa pagiging basketball sensation ng national women’s team, mas naging kapansin-pansin ang kanyang husay sa hard court hindi lang sa pagtitimon sa opensa pero ganun rin sa kanyang abilidad na umiskor.
Scoring naman ang siyang sandigan ni Castillo, isa sa magagaling na shooters ng koponan.
Hindi magiging available si Fajardo dahil babalik ito sa Amerika para maglaro sa kanyang koponan na Iona University sa US NCAA.
Nagbigay espasyo naman si Castillo para mabigyan ng pagkakataon ang iba pang mga pool members na gaya ng mga nagbabalik na gwardya na sina Sophia Roman at Andrea Tongco, mga kapwa beteranong player na miyembro na rin ng koponan mula pa noong 2015.
Si Clarin naman ay babalik para maglaro sa National University sa UAAP habang pinili muna ni Castro, ang pinakamatangkad na miyembro ng koponan na may height na 6-foot-4, ang magtrabaho para tulungan ang kanyang pamilya.
Nawala man ang mga key players ng Gilas sa SEA Games, magbabalik aksyon naman si Gabi Bade habang sasalang sa unang pagkakataon ang naturalized player na si Malia Bambrick.
Miyembro si Bade, anak ng dating PBA at MBA player na si Cris, ng koponan ng Gilas team na nagawang masungkit ang gintong medalya sa Hanoi SEA Games noong isang taon habang si Bambrick naman ay isa sa mga sandigan ng Long Beach State.