“The Philippines is not legally and morally bound to cooperate with the ICC (International Criminal Court),” ayon kay Solicitor General Menardo Guevarra.
Nanindigan ang administrasyong Marcos Jr. na nananaig ang rule of law at ang criminal justice system ay ganap na gumagana sa Pilipinas.
Sa katunayan, sa kanyang video message sa plenary session ng Second Session for Summit for Democracy, sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong nakalipas na Marso, ang Pilipinas ay may batas na nagpaparusa sa mga karumal-dumal na krimen at ito ay ginagamit upang imbestigahan at usigin ang mga krimen, kabilang ang mga sinasabing ginawa sa konteksto ng drug war.
Kamakalawa ay ibinasura ng Ombusdman ang mga kasong kriminal at administratibo na isinampa ng drug war survivor na si Efren Morillo at pamilya ng kanyang mga kasamang napatay, laban sa limang pulis na sina Emil Garcia, Allan Formilleza, James Aggarao, at Melchor Navisaga.
Nagpatotoo si Morillo kung paano pinatay ng mga pulis ang kanyang mga kaibigan na “execution-style” na pagbaril sa ulo o katawan ng malapitan – habang naglalaro lang sila ng pool sa Payatas, Quezon City noong 2017Mula sa isang maliit na siwang sa makeshift room kung saan sila pinagbabaril ng mga pulis, nakatakas si Morillo habang sugatan at tuluyang nakarating sa highway. Binigyan siya ng tamang pangangalagang medikal pagkatapos lamang ng siyam na oras.
Nagsumite ng testimonya ng korte ang doktor na gumamot kay Morillo, at nagpatunay na ang mga tama ng bala ni Morillo ay may mas mataas na elevation entry point at isang lower elevation exit point, malinaw na nagpapatunay sa testimonya ni Morillo na siya ay binaril ng isang nakatayong pulis habang siya ay nakaupo sa isang upuan.
Maghahain ng motion for reconsideration ang CenterLaw, ang humahawak ng kaso ni Morillo.
Inihayag ng CenterLaw na ang pagbabasura ng mga kaso laban sa mga pulis kamakailan ay nagpapatibay sa pangangailangan para sa ICC na gamitin ang hurisdiksyon nito upang usigin ang mga utak sa likod ng libu-libong extrajudicial killings noong mga taon ni Duterte.
Kamakailan ay binasura ng ICC appeals chamber ang petisyon ng gobyerno ng Pilipinas laban sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa mga patayan bunsod ng Duterte drug war at ng Davao Death Squad.
Ang kaso ba ni Morillo ay puwedeng maging halimbawa ng Philippine government na gumagana ang hustisya sa bansa?
Masisisi ba ang mga pamilya ng mga pinatay at nakaligtas sa drug war kung bakit nagpasaklolo sila sa ICC?