Hindi pa natutupad ang mga pangakong ginawa ng China na tutustusan ang mga proyektong pang-imprastraktura sa Metro Manila at Mindanao, partikular sa railways, ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio M. Balisacan.
Kaya bubuksan aniya ng NEDA ang pinto sa mga alternatibong funders para sa mga proyektong pang-imprastraktura na unang iniaalok sa China noong nakaraang administrasyon.
“There was a lot of promise initially and there was a lot of indication that they would fund many of the projects in Manila, in Mindanao, railways, and so on. But many of these have not materialized yet or haven’t materialized,” sabi ni Balisacan.
Batay sa datos mula sa Department of Finance (DOF), ang kabuuang loan commitments mula sa China para sa mga kasalukuyang proyekto sa Pilipinas ay umaabot lamang sa $1.06 bilyon, katumbas lamang ng P57.82 bilyon.
Dahil dito, binigyang-diin ng Balisacan ang pangangailangan na palawakin ang saklaw ng mga negosasyon para sa mga nilalayong proyektong pang-imprastraktura, na orihinal na itinalaga para sa pagpopondo ng Beijing.
Iminungkahi niya ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang potensyal na kasosyo, kabilang ang lokal na pribadong sektor, upang galugarin ang mga alternatibong paraan ng pagpopondo at tiyakin ang matagumpay na pagpapatupad ng mga proyekto.
“We are opening our doors to all potential partners, including PPP [public-private partnership],” anang NEDA chief.
Ang Mindanao Railway Project, na minsang tinawag na flagship initiative sa programang pang-imprastraktura ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte, ay isang halimbawa ng hindi natutupad na mga pangako ng Beijing.
Sa kabila ng mga panimulang kasiguruhan, ang ipinangakong suporta ng China para sa railway system sa Mindanao ay hindi natupad at walang katiyakan kung matutuloy pa.
Nilinaw ni Balisacan na ang pagpopondo sa Mindanao railway sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr. ay hindi iaasa sa isang bansa lamang
“We are not dependent on any particular country or should not be dependent on any particular country because we want to diversify,” aniya.
“Whoever comes first and if those pass the metrics that we employ in judging whether we should go or not go” will be evaluated,” dagdag niya.