Hitik sa mga second-generation players at papausbong sa pagsikat ang mga manlalaro ng mga Batang Gilas na nagbigay ng karangalan kamakailan sa bansa.
Sa ikalimang sunod na pagkakataon, dinomina ng mga Batang Gilas ng Philippine under-16 team ang Southeast Assia Basketball Association Championship matapos walisin ang torneo, kabilang ang 77-65 na panalo kontra host team Indonesia sa huling araw ng sagupaan nitong Miyerkules ng gabi sa GOR Kertajaya in Surabaya, Indonesia.
Pinamunuan ni Kieffer Alas, anak ng multit-titled champion coach na si Louie, at pinakabatang kapatid ng PBA star player ng NLEX Road Warriors na si Kevin, ang atake ng mga Batang Gilas kung saan tumipa siya ng 19 puntos at sumungkit rin ng 12 rebounds para sa kanyang double-double performance.
Pero ang mas kahanga-hanga kay Alas ay ang kanyang all-around value sa paglalaro na hindi lang nakasentro sa pag-opensa kung hindi sa pagtulong niya rin sa ibang bagay.
May limang assists, dalawang steals at dalawang blocks rin na nagawa si Alas na ipinakita na siya ay isang two-way player.
Pero hindi lamang si Alas ang kinakitaan ng talento sa Batang Gilas.
Nariyan rin si Irus Chua, ang dating scoring sensation ng Xavier. Naging solido rin ang kampanya ni CJ Amos, ang mas nakababatang kapatid ng Gilas Pilipinas player na si Mason.
Ang magandang chemistry na nabuo sa team na ginagabayan ni coach Josh Reyes at tinutulugan ng mga champion coaches na sina Allan Albano (FEU) at Allen Ricardo gayundin ang dating PBA player na si Rob Labagala, ang nagbigay ng magandang direksyon sa sistema ng Batang Gilas na nagawang ipagpatuloy ang winning tradition ng Pilipinas sa SEABA.
Mula 2011, limang sunod na beses nag-kampeon ang Pilipinas sa SEABA Under-16 Championship.
Ang SEABA Championship ay nagsisilbing magandang paghahanda ng Batang Gilas para sa kanilang papalapit na tournament sa FIBA U16 Asian Championship na gaganapin naman sa Doha, Qatar mula 17 hanggang 24 Setyembre.