Iniulat ng Philippine Coast Guard nitong Linggo na isang pampasaherong barko o roll-on roll-off (RORO) vessel ang tumagilid at sumadsad sa Banton Island, Romblon, gabi ng Sabado.
Sa mga nakalap na ulat, sinabi ni Banton Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office head Gaywaneth Kristine Musico na sa kabila ng pagtagilid ng RORO vessel na MV Maria Helena ng Montenegro Shipping Lines ay nasagip ang 93 pasahero at 36 tripulante nito.
Sinabi naman ng PCG na bandang alas-10:30 ng gabi nang makatanggap ng distress call ang PCG sa Romblon kaya agad silang nagsagawa ng search and rescue operation.
Lulan din ng barko ang 16 na rolling cargoes o mga sasakyan.
Base sa pagsisiyasat, mayroon umanong pumutok na gulong ng isang truck na sakay ng barko kaya tumagilid hanggang sa maputol ang tali at magsunuran nang tumagilid ang iba pang mga sasakyan.
Sumadsad umano ang barko at tumagilid pakaliwa malapit sa dalampasigan ng Barangay Nasunugan.
Ayon kay Rey Sargumba, chief mate ng MV Maria Helena, sa may bahagi pa lang ng Dos Hermanas Island ay hinampas na sila ng malalaking alon at tumagilid ang barko kaya tumagilid din ang mga sakay na truck.
Sinubukan pa umano ng mga tripulanteng ayusin ang mga tali ng mga sasakyan pero dahil sa lakas ng alon ay hindi na kinaya at naputol na ang mga tali.
Sinabi ni Sargumba na napilitan na ang kapitan na isadsad ang barko para maiwasan ang malaking aksidente.
“Nag-intentional beaching kami kapag nasa laot po kami. Panay pasok na ang tubig sa barko, baka lulubog ‘yong barko, marami madidisgrasya, kaya nag-intentional beaching,” saad ni Sargumba.
Bandang 2 a.m. na ng Linggo nang masagip ang lahat ng pasahero at tripulante at inaalagaan na sila ngayon ng mga awtoridad sa covered court sa Barangay Nasunugan.
Galing Lucena City, Quezon ang barko at patungo sana sa Tablas Island sa Romblon.