NAIS ng mga mambabatas na imbestigahan ang posibleng iregularidad sa likod ng P3-M kontratang ipinagkaloob ng Philippine Amusements and Gaming Corporation (PAGCOR) sa Printplus Graphic Services para sa kontrobersyal na bagong logo ng ahensya.
Nakasaad sa House Resolution 1120 na inihain ng mga kongresista mula sa Makabayan bloc ang paghimok sa good government and public accountability committee na alamin kung nasunod ang procurement process.
Umani kasi ng matinding kritisismo mula sa publiko ang bagong PAGCOR logo na hindi raw angkop sa presyong tatlong milyong piso.
Lalong tumindi ang pag-usisa ng publiko nang mabisto na ang Printplus Graphic Services ay inirehisto lamang sa government’s online procurement system PhilGEPS, noon lamang nakaraang buwan.
Bukod dito, nabuko na ang Printplus ay isang bago at maliit na kompanya na inirehistro lamang sa Department of Trade and Industry (DTI) noong Marso 2021 at ang kanilang business name ay barangay lang ang saklaw.
Ayon sa mga kongresista, maaaring may sangkot ditong “corruption and misuse of public funds.”
Kung ang tatlong milsyong piso ay napunta sana sa pagtatayo ng National Child Development Centers, na sa kasalukuyan ay P3-M lang ang budget, mas marami sanang bata ang makikinabang, sabi ng Makabayan bloc.
Maging si Sen. Grace Poe ay naniniwalang labis ang tatlong milyong piso para sa isang logo na tila minadali ang paggawa.
Noong nakaraang Mayo ay isiniwalat ni Sen. Risa Hontiveros na ginagamit na front lamang ang lisensya ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) mula sa PAGCOR upang maisakatuparan ang maisakatuparan ang cryptocurrency investment scam sa buong bansa.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Women , Children. Family Relations and Gender Equality ukol sa isyu ng human trafficking ay ipinakita ni Hontiveros ang clips ng kanyang pagbisita sa Clark Sun Valley sa Mabalacat City, Pampanga na ni-raid ng noong Mayo 5 ng ating kapulisan.
Sa naturang raid ay nailigtas mahigit isang libong lahi mula sa Pilipinas, Vietnam, China, Indonesia, Nepal, Malaysia, Thailand at Taiwan ang nailigtas at sinasabing puwersahang pinagtatarabaho sa cyber fraud.
Nauna rito’y natuklasan din ng Senado na ang third party auditor ng POGOs na Global ComRCI consortium na ginawaran ng P6 bilyong kontrata ng PAGCOR para sa pag-audit ng mga POGO operations ay peke ang isinumiteng bank certificate.
Ibinunyag din sa pagdinig na ang mga address ng opisina na idineklara ng Global ComRCI sa PAGCOR ay napatunayang hindi totoo at hindi naaangkop na mga lugar ng operasyon.
Nabigo ang Global ComRCI na ma-secure ang mga kinakailangang building permit. Sa kontrata, ang address na nakalagay ay Makati ngunit sa sulat na isinumite ng Global ComRCI sa PAGCOR at sa Senado, ang address ay nasa Maynila.
Pinatunayan ng Makati at Manila na walang business permit na ibinigay sa third-party auditor.
Nalaman din ng Senado na ang Highweb Trade Ltd., na bahagi ng third-party auditor consortium, ay walang technical capability upang magbigay ng teknolohiya para sa isang regulator tulad ng PAGCOR dahil wala itong karanasan bilang third-party auditor ng isang government gaming regulator na muling lumalabag sa Terms of Reference (TOR) ng PAGCOR.
Marami ang nagtataka sa pananahimik ng Palasyo sa mga alingasngas na kinasangkutan ng PAGCOR.
Kung may kinalaman ang pagtikom ng kanilang bibig sa sa ikinakasang Maharlika Investment Fund, sila lang ang nakakaalam.