PUERTO PRINCESA CITY, Palawan — Nailigtas ng emergency responders sa isang liblib na barangay ng siyudad ang limang katao na pinaniniwalaang Yamashita treasure hunters matapos kapusin ng oxygen at nahimatay sa isang excavation site na umabot sa 100 feet ang lalim.
Kinilala ni Earl Timbancaya, pinuno ng Puerto Princesa City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), ang treasure hunters na sina Philip Antonio, 23; Mark Vincent Monilla, 21; Alberto Saratao, 30; Angelito Duran, 52, at isang 17-anyos.
Naganap aniya ang insidente kahapon ng umaga sa Barangay Luzviminda habang nag-o-operate ng pump ang limang kalalakihan upang tanggalin ang naipong tubig sa kanilang hinukay.
“Ang cause is naubusan sila ng hangin doon sa ilalim kasi nag-operate sila ng water pump para i-drain yong tubig sa ilalim. Andoon sila lahat sa ilalim, so siyempre yong hangin doon, maco-compromise kasi yong carbon monoxide galing sa exhaust ng water pump. Ganoon yong nangyari, hanggang sa may na unconscious,” sabi ni Timbancaya.
“Walang namatay, pero kung hindi naagapan yon, malamang may mamamatay. Nilagyan namin ng electric fan na malaki yon para mag-circulate yong hangin doon sa ilalim,” dagdag niya.
Nabatid na walang permit mula sa lokal na pamahalaan at sa Department of Environment and Natural Resource (DENR) ang naturang paghuhukay na umano’y pinondohan ng isang Korean national sa lupang pagmamay-ari ni Ricardo Pucot
CELESTE ANNA FORMOSO