Maaaring sampahan na ng sakdal ng International Criminal Court (ICC) prosecutor sa susunod na linggo sina dating Pangulong Rodrigo Duterte, Sen. Ronald “Bato” dela Rosa at ibang dating opisyal ng gobyerno kaugnay sa patayang naganap sa isinulong nilang madugong drug war kapag nagkaroon ng sapat na ebidensya.
Mangyayari ito kapag ibinasura ng ICC ang inihaing apela ng Philippine government laban sa pagpapatuloy nito ng drug war probe.
“If it is dismissed, the ICC prosecutor will be authorized to resume his investigation into the Philippine situation and he may indict certain individuals based on whatever evidence he may be able to gather,” sabi ni Solicitor General Menardo Guevarra sa panayam ng GMA News Online.
Itinakda ng ICC appeals chamber sa Martes, 18 Hulyo 2023 ang paglalabas ng desisyon hinggil sa apela ng Pilipinas laban sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng ICC prosecutor sa mga patayang naganap sa drug war ni Duterte.
Batay sa datos ng gobyerno hinggil sa drug war, may 6,200 suspects ang napatay sa police operations habang ayon sa human rights groups, maaaring umabot pa ito sa 12,000 hanggang 30,000 katao.
Nanindigan si Guevarra nainiimbestigahan ng mga kaukulang ahensya ng bansa ang mga naganap na pag-aabusong ginawa sa drug war.
Matatandaang noong 28 Marso 2023, sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pinutol na ng Pilipinas ang anomang kaugnayan o komunikasyon sa ICC lalo na’t naninindigan ang pamahalaan na walang hurisdiksyon sa bansa ang Korte at ang kanilang imbestigasyon ay paglabag sa soberenya ng Filipinas.
Inihayag din noon ni Guevarra na walang makapipigil sa ICC na ituloy ang pagsisiyasat sa drug war-related killings kahit hindi opisyal na makipagtulungan sa Korte ang pamahalaan ng Pilipinas.
Puwede aniyang magpunta sa Pilipinas ang mga imbestigador ng ICC o isagawa ang imbestigasyon online, dalhin ang mga testigo sa ibang bansa at mangalap ng mga impormasyon mula sa mga non-governmental organization.
Ang hindi lang aniya magagawa ng ICC ay makuha ang opisyal na kooperasyon ng mga ahensya ng Philippine government dahil mismong ang Pangulo na ang nagdeklarang hindi makikipagtulungan ang gobyerno sa Korte.###