May 1.7 milyong nalikhang trabaho sa loob ng unang taon ng administrasyong Marcos Jr.sabi ng Malacanang kamakailan.
Sa unang tingin, bibilib ka dahil hindi mo naman alam na ang nga trabahong ito’y kadalasang pansamantala, hindi regular, hindi secure na trabaho at mababa ang kalidad kaya’t kailangan aminin ng gobyerno ang katotohanang ito upang makapagbalangkas ng solusyon.
Sabi ng Ibon Foundation,ang bilang ng mga part-time workers o ang mga nagtatrabaho nang wala pang 40 oras ay lumaki ng 1.4 milyon mula 15.7 milyon noong Hunyo 2022 hanggang 17.1 milyon noong Mayo 2023.
Ang bilang ng mga ‘with a job, not at work’ ay tumaas din ng 362,000 hanggang 737,000.
Kung susumahin, tumaas ng 1.8 milyong ‘poor quality and poorly paying work’
Habang ang bilang ng full-time workers o mga nagtatrabaho ng higit sa 40 oras ay bumaba pa ng 128,000 mula 30.5 milyon hanggang 30.4 milyon.
Nagpapatunay ang datos sa nakababahalang trend na lumalago ang impormal na trabaho na hindi nakabubuhay ng pamilya ang suweldo.
Kung talagang gustong tugunan ng gobyerno ang kawalan ng quality jobs at tulungan ang mga nangagailangan ng trabaho, at ipasa ang panukalang batas sa Kongreso na nagtatakda ng P100 legislated wage hike.
Kahit baligtarin ang mundo, hindi sapat ang P40 wage hike na ipinagkaloob ng NCR wage board para mabuhay ng marangal ang isang pamilyang Pinoy.
Inilatag na sa pinakahuling Pulse Asia survey ang pangunahing concerns ng 3 sa 5 Pinoy, presyo ng mga bilihin at serbisyo,
umento sa sahod, paglikha ng mas maraming trabaho,at pagtapyas sa kahirapan.
Kasama rin sa mga bumabagabag sa mayorya ng mga Pinoy ay ang paglaban sa katiwalian sa gobyerno, patas na pagpapatupad ng batas, pagbibigay ng ayuda sa mga magsasaka at pagtulong na maibenta ang kanilang mga produkto, paglaban sa kriminalidad, papapatupad ng kapayapaan sa bansa, at pagsuporta na mapasiglang muli ang small entrepreneurs.
Ito ang mga isyung dapat tutukan ng administrasyong Marcos Jr. kung gustong maibangon ang bansa sa pagkakalugmok sa pandemya at Isantabi muna ang ambisyosong Maharlika Investment Fund Bill na ang makikinabang lang ay malalaking negosyante, nakapuwesto sa gobyerno at kanilang cronies.