Luhaang nagmartsa si Darlene Gurabil habang bitbit ang larawan ng kanyang pumanaw na kapatid sa graduation ceremony ng City College of Pasay sa PICC sa CCP Complex, Pasay City kahapon.
Nabatid na ang kapatid ni Darlene na si Ruffa Mae ay isang working student mula sa Maricaban, Pasay City, nagtapos ng kursong AB Political Science pero sumakabilang buhay dahil sa sakit na thyroid cancer noong Sabado kaya hindi na nakadalo sa graduation rites kahapon.
Kaya naman ang kanyang kapatid na si Darlene na lamang ang nagmartasa kasama ng kanyang mga kaklase at kumuha ng kanyang diploma
Sa panayam, sinabi ni Darlene na lubos ang kanilang kalungkutan sa pagpanaw ng kanyang ate.
Bago aniya sumakabilang buhay ang kanyang kapatid ay nagbilin sa kanila na huwag umiyak at malungkot sa kanyang pagkawala.
“Ayaw ni Ate na umiyak kami kapag siya ay pumanaw. Gusto niya maging masaya kami dahil naabot niya ang kanyang pangarap. Hindi na rin po ako dumalo sa moving up ceremony ko dahil gusto kong ako ang kumuha ng kanyang diploma. Mahal na mahal namin ikaw, Ate,” sabi ni Darlene habang yakap ang graduation picture ni Ruffa Mae.
Nagpaabot ng tulong pinansyal si Mayor Emi Calixto-Rubiano para sa pamilya ni Gurabil.
Kaugnay nito, pinagkalooban ng mataas na pagkilala ng pamahalaang lungsod ng Pasay si Shirley Barberan, 65-anyos na lola, na empleyado ng Pasay City Hall, at nagtapos ng kursong Bachelor of Science in Office Administration kahapon .
Mag-isang itinaguyod ni Barberan ang anak na may kapansanan habang siya ay nagtatrabaho at nag-aaral.
Labis ang pasasalamat niya sa pamunuan ng Pasay dahil sa tulong na ibinigay sa kanya para makatapos ng pag-aaral.
Aniya, hindi matutumbasan ang kanyang kaligayahan sampu ng kanyang pamilya makaraang maabot ang pangarap na maging college graduate.
“Maraming salamat po sa aming Mayora sa walang sawa niyang tulong sa akin upang makapagtapos ako sa kolehiyo,” ayon kay Lola Shirley.
Sinabi ni Mayor Calixto-Rubiano mananatili ang city-wide free education program, ng lungsod para sa karapat-dapat na Pasayeño.
Ayon sa Alkalde hindi hadlang ang edad sa edukasyon para maabot ang kanilang mga pangarap sa buhay.
Sa nabanggit na pagtatapos ay kabilang ang mga top achiever na kinabibilangan ng pinakamataas na pagkilala para sa 11 Magna Cum Laude, dalawang Summa Cum Laude at 4 para sa Cum Laude.