Kabilang ang Pilipinas sa mga bansang may “restricted expression” at sa buong mundo, ang kalayaan sa pagpapahayag ay bumababa, ayon sa Global Expression Report 2023.
Sa index na pinagsama-sama ng rights group na Article 19, ang Pilipinas ay may markang 41 — mas mababa sa magkapitbahay na Indonesia (53) at Malaysia (42) ngunit mas mataas kaysa Singapore (29) at Thailand (18).
Sa buong mundo, ang Pilipinas ay nasa ika-99 na pwesto sa 161 na bansa sa index, na ang mga indicator ay ang kalayaan sa pagpapahayag ng akademiko at kultura at pagsubaybay at censorship ng gobyerno, at ang kaligtasan ng mga mamamahayag at tagapagtanggol ng karapatan.
Ayon sa estadistika ng Article 19, mayroong 401 na tagapagtanggol ng karapatang pantao ang pinaslang sa buong mundo noong 2022, kung saan 48% ng mga biktima ang nagtatrabaho upang ipagtanggol ang lupa, kapaligiran at mga karapatan ng mga katutubo. Mayroong 87 na mamamahayag ang pinaslang noong 2022, habang 64 ang naiulat na nawawala at 363 ang nasa bilangguan sa pagtatapos ng taon.
Kabilang sa mga isyu na tinukoy ng Article 19 sa Asya-Pasipiko ay ang paggamit ng junta ng Myanmar sa anti-terrorism law laban sa mga tagapagtanggol ng karapatan at mga manggagawa sa media at isang draft na batas sa cybersecurity na magpaparusa sa paggamit ng hindi awtorisadong virtual private network (VPN) maaaring gamitin “to skirt restrictions on online access.”
Tinuran din ng Article19 ang online censorship sa Hong Kong at mga pagsalakay sa Malaysia laban sa sektor ng LGBTQ+, kabilang ang pagkompiska ng mga piraso mula sa Swatch’s Pride Collection.
“Freedom of expression is under threat and in decline. Ordinary people, as well as professional communicators and activists, face a plethora of threats — some new and some age-old — while simply trying to live our lives, have a say over how we are governed, and engage with the societies in which we live,” anang Article 19.
Sa inilabas na resulta ng survey ng Social Weather Station (SWS) noong Mayo, humigit-kumulang 47% o halos kalahati ng mga Pinoy ang itinuturing na mapanganib na maglabas ng content na kritikal sa gobyerno.
Kung ikukumpara sa mga resulta ng parehong survey na ginawa noong Disyembre 2021, tumaas ng apat na porsyentong puntos (22%) ang bahagi ng mga Pilipinong hindi sumang-ayon sa pahayag, habang halos pareho ang bahagi ng mga Pilipinong sumang-ayon.
Nananatiling krimen ang libel sa Pilipinas at ang mga kumpanya ng media na ABS-CBN at Rappler ay naharap sa mga hamon sa regulasyon at legal sa panahon ng pagkapangulo ni Rodrigo Duterte.
Ang mga aktibista, tagapagtanggol ng karapatan, mamamahayag at social media users ay nasa panganib ng online harassment at mabansagang mga terorista, mga rebeldeng komunista at mga kaaway ng gobyerno.
May limang taon pa ang administrasyong Marcos Jr. para patunayan na malayang magpahayag ng saloobin o maging kritikal sa gobyerno ang mga Pinoy.
Puwede kasing maging gabay upang makapagbalangkas ng mga patakarang maka-mamamayan ang kanilang kritisismo.
Iyan naman ay kung ang tunay na diwa ng ‘unity’ ang gusto ng gobyerno na umiral sa ating bansa.