WALANG dapat ipagtaka sa matinding pagbahang nararanasan sa iba’t ibang parte ng Kalakhang Maynila tuwing bubuhos ang malakas na ulan.
Sinita ng Commission on Audit (COA) ang Metro Manila Development Authority (MMDA) dahil sa delay sa implementasyon sa 33 flood control projects nito na nagkakahalaga ng Php825.383 milyon .
Ibig sabihin, 14 lamang sa 47 flood control projects ang natapos ng MMDA noong nakaraang taon.
Sinabi ng COA na na apat sa mga proyektong nasa ilalim ng Metro Manila Flood Management Project Phase 1 program ay ongoing habang 29 ay hindi pa nasisimulan hanggang noong Disyembre 31, 2022.
Giit ng COA, nawala sa gobyerno ang Php27.426 milyon bilang commitment fees kaugnay sa inutang na pondo para sa mga naantalang proyektong ito.
Ayon sa COA, ang mga sanhi ng pagkaantala ay ang” supplier’s request for extension of deliveries; change in procurement specifications; delays in the procurement activities; revision of contract cost or contract duration; non-compliance of consultants in the documentary requirements; and
relocation of site or project re-design.”
Depensa ni MMDA Chairman Romando Artes, maraming factors na hindi nila kontrolado ang pinagdaanan ng kanilang ahensya gaya ng pandemya, kung kaya’t napilitang ihinto ang ilang implementasyon ng mga proyekto.
Kung ano man ang mga dahilanng MMDA kaya naantala ang mga naturang proyekto, dapat ay bigyan ito ng solusyon at magkaroon ng sense of urgency ang ahensya lalo na’t panahon na naman ng tag-ulan.
Hindi lamang sa mga motorista at mga ordinaryong Pilipino lumalatay ang kanilang kabiguang solusyonan ang mga pagbaha kundi maging sa ekonomiya rin ng bansa.
Sa average na 20 bagyong tumatama sa Pilipinas kada taon, inaasahang aabot sa $124 billion hanggang 2050 ang mawawala sa ating ekonomiya dulot ng mga pagbaha at mahabang tagtuyot, batay sa global professional services company GHD sa kanilang pag-aaral, “Aquanomics: The Economics of Water Risk and Future Resilience,”
Kung magpapatuloy sa kanilang kapabayaan ang MMDA, hindi lang lulubog sa baha ang Metro Manila, malulunod na ang buong bansa sa pagkalubog sa utang para pondohan ang mga proyektong hindi nila naipatutupad para sa kapakanan ng mga mamamayan.