NABASA ko sa isang Facebook post ang panawagan sa mga botante para sa darating na halalan sa Oktubre 30, ihalal ang mga maasahan at hindi aasa lang sa barangay.
Bullseye ito para sa mga taong lumalahok lamang sa barangay dahil sa sahod at proteksyon ng kabuhayan o negosyo at matapos makamit ang puwesto dahil sa suhulan at siraan, pababayaan na nakatiwangwang ang obligasyon at laging hinahanap na ng kanilang nasasakupan.
Marami talagang ganyan, ang gusto lang ay posisyon at sahod.
Sa bahay at barangay nga lang naman sila, naka-payroll pa sa barangay.
Pero hindi ko naman nilalahat ang mga opisyal ng barangay, marami naman sa kanila ay matino at may mga kapaki-pakinabang na proyekto sa kanilang lugar.
Kung tutuusin, puwedeng gamitin slogan ang naturang FB post upang ma-discourage ang mga lalahok sa BSK elections na wala naman talagang damdaming maglingkod at ang puntirya ay ang makukurakot sa ibinibigay na grasya sa barangay imbes na ipamigay sa tao.
Napakaraming mapait na karanasan ang mga tao sa ipinatupad na lockdown dulot ng COVID-19 pandemic partikular sa bigayan ng ayuda ng national government.
Gaya na lamang sa Sampaloc na maraming mga residente wala sa listahan ng kanilang barangay kaya hindi nabigyan ng ayuda mula sa national at local government.
Kaya ang nakakatawang kantiyawan sa mga lugar na hindi nabigyan, magtatatag sila ng partylist group na sasali sa 2025 midterm elections.
Gusto nila itong tawagin na “Partido WAKALI” o Partido Wala Kami sa Listahan hehehe.
Ang partidong ito’y tiyak na marginalized group dahil naging biktima nga sila ng politika sa kanilang barangay.
Dangan kasi nang nanghingi ng pangalan sa kanilang barangay para itala sa listahan ay halos puro kakampi lang at malalapit daw sa mga naka puwesto ang inilista.
Kaya para makaganti sa matinding sama ng loob noong lockdown, huwag ninyong iboto ang sa tingin ninyo’y nagpabaya sa inyo at sa barangay.
Subukan naman ninyong magluklok ng mga bagong lider na hindi mantsado ang pagkatao, maasahan at hindi aasa.