PUERTO PRINCESA CITY, Palawan — Dalawang magsasaka ang nagtamo ng seryosong sugat sa kanilang katawan dahil sa pananaksak ng isang laborer na kanilang inawat sa panggugulo sa inuman habang nasa piyestahan sa Barangay Isugod, Quezon, Palawan.
Ayon sa ulat na ibinahagi ni Police Major Ric Ramos, tagapagsalita ng Palawan Provincial Police Office (PPO), isinugod sa ospital sa naturang bayan ang mga magsasaka na sina Rex Tahil at Jericho Panoril, kapwa 27 taong gulang, dahil sa pananaksak ng suspek na si Elias Bonda, 19-anyos, na naganap bandang 1:30 ng madaling araw ng Huwebes, 29 Hunyo.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na si Bonda at ang mga kasamahan nito sa inuman ay nanggugulo sa lugar kaya inawat ng dalawa.
Uminit umano ang ulo ng suspek kaya’t inundayan sila ng saksak.
Ayon kay Ramos, agad nadakip ang suspek, samantalang ang dalawa niyang biktima ay patuloy na nagpapagaling sa pagamutanl.