NAGKAROON ng buwanang pagtaas sa retail price ng bigas mula noong Abril, ayon sa grupong Bantay Bigas.
Mula sa dating P38 kada kilo ay naging P40 na ang pinakamurang presyo ng bigas.
Syempre pa, malayo ito sa P20 na ipinangakong halaga ng bigas na ipinangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong eleksyon.
Sinabi ni Bantay Bigas spokesperson Cathy Estavillo, nabigo ang gobyerno na tugunan ang pagtaas ng presyo ng bigas kahit pa binibili ng mga negosyante ang palay sa napakababang farmgate price.
Kahit bumaha pa ng imported rice sa bansa dulot ng Rice Liberalization Law, nabigo itong pababain ang presyo ng bigas.
Umabot na nga sa 3.8 milyong metrikong tonelada ang inangkat na bigas noong nakaraang taon.
Kaya ang tanong ng Bantay Bigas, nasaan na ang ipinangako ng mga mambabatas na kapag tinanggal ang P27 at P32 (per kilo_ na subsidiyo ng National Food Authority (NFA) ay bababa na ang retail price ng bigas dahil nabuksan ang merkado para sa importasyon.
Hinikayat ni Estavillo ang administrasyong Marcos Jr. na ibasura ang Rice Liberalization Law at magbigay ng P15,000 support subsidy sa mga magsasaka.
Kayang-kayang gawin ito ni Pangulong Marcos lalo na’t siya rin ang kalihim ng Department of Agriculture.
Marami ang umaasang sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ay makakarining ang mga magsasaka ng malinaw na programa ng Pangulo kung paano ba talaga makakamit ang food security at hindi mga pangakong napakahirap tuparin.