HALOS tatlong buwan na lang ay isang taon na mula matuklasan ng Philippine National Police ang isang toneladang shabu na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon sa opisina ni Master Sgt. Rodolfo Mayo sa Tondo, Maynila.
Matapos ang magkahiwalay na pagdinig ang Senado at Mababang Kapulungan kaugnay sa usapin, hindi pa rin alam ng gobyerno kung anong drug syndicate ang may-ari ng toneladang shabu.
Sa Senate hearing, inilutang ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ang pangalan ng isang Yi Qin Shi alias “Mike Sy” bilang “bodegero” raw ng malalaking drug lord sa loob ng Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro.
Ayon kay Dela Rosa, impormante ng PNP si Sy sa anti-illegal drug operations na inamin naman ni Lt. Col. Arnulfo Ibañez, isa sa mga sinampahan ng kaso kaugnay sa P6.7-B drug haul.
Muntik na raw humarap sa Senate hearing si Sy, sabi ni Dela Rosa, para ikanta ang mga kasabwat ng drug syndicate sa PNP pero nagbago ang isip nito at hindi sumipot.
Kung si Sy ay asset ng PNP at itinuturong bodegero ng drug lords, malaki ang posibilidad na ang mga inginunguso lamang niya sa mga parak ay mga kalaban niyang drug syndicate.
Paano naman makatitiyak si Dela Rosa sa kredibilidad ni Sy, lalo na’t bistado raw niyang warehouse man ito ng druglords?
Malinaw na suspect ang kategorya ni Sy at hindi whistleblower kaya’t dapat siyang isadlak sa selda kasama ng mga kasabwat niyang pulis.
Pero sa rami ng pera ni Sy, puwede siyang bumili ng bagong passport na iba ang pangalan at umupa ng private jet para takasan ang Pilipinas.
Kaya ang tanong, ano ang napala ng bayan sa dalawang pagdinig ng Kongreso?