HINDI kombinsido ang grupong Filipino Nurses United (FNU) sa plano ni Department of Health Acting Secretary Ted Herbosa na bigyan ng temporary license ang mga non-board passers para makapagtrabaho sa mga ospital ng gobyerno upang matugunan daw ang shortage sa nars.
Para sa FNU, mas mainam na solusyon ang massive hiring ng registered nurses na walang trabaho o kaya’y hindi nagtatrabaho bilang nars, na ayon mismo sa datos ng DOH, ay umaabot sa 124,000 .
Napakarami rin anilang contractual nurses sa mga public hospital na katumbas ng kalahati ng nursing workforce o mahigit 20,000 licensed nurses.
Pinagkakaitan lamang umano sila ng job security at walang natatanggap na benepisyo gaya ng maternity leave, hazard pay, quarantine leave, isinailalim sa no-work, no-pay scheme at puwedeng tanggalin sa trabaho anomang oras.
“Ironically, thousands of DOH contractual nurses under the Nurse Deployment Program (NDP) have been terminated this year without regard to their length of service some with 5 – 10 years of hard work and sacrifices especially during the height of pandemic,” sabi ng FNU sa isang kalatas.
Maging si Philippine Regulation Commission (PRC) PRC Commissioner Jose Cueto Jr. ay pinuna rin ang panukala ni Herbosa dahil hindi basta puwedeng bigyan ng temporary license ang hindi pumasa sa licensure exam.
Labag aniya ito sa Republic Act 9173 o ang Philippine Nursing Act pero kung gustong ipursige ito ng DOH official, kailangang amyendahan ng Kongreso ang batas.
“Wala pong probisyon na nagbibigay ng kapangyarihan sa PRC o any government agency na magbigay ng temporary license sa mga nursing graduates na hindi pa nakapasa sa licensure examination,” sabi ni Cueto sa Frontline Pilipinas sa News5.
“Alinsunod sa RA 9173 ay 75% ang passing rate para bigyan ng lisensya at hindi bibigyan ng lisensya ang makakakuha ng mas mababa rito.”
Ngayong nagsalita na ang stakeholders sa usapin, baka maaaring pag-aralan muna ng DOH ang kontrobersyal na panukala ni Herbosa.