MAY pag-asang maibalik ang magandang kapalaran ng Lady Warriors sa darating na University Athletic Association of the Philippines Season 86 women’s volleyball tournament ngayong nasa University of the East (UE) ang serbisyo ni multi-titled head coach Jerry Yee.
Pinalitan ni Yee si Ronwald “Jumbo” Dimaculangan.
Hindi bagito si Yee sa UAAP, dati siyang coach sa women’s volleyball teams ng University of the Philippines at Adamson University.
Pinamunuan ni Yee ang Fighting Maroons sa Final Four noong 2016 at nitong taon lamang sa kanyang pagbabalik sa liga ay iginiya ang Lady Falcons sa ikatlong puwesto sa Season 85.
“It is a privilege to have Coach Jerry Yee as our head coach. Coach Jerry’s reputation and experience in the field of volleyball are well-known. With his extensive knowledge and expertise, there is no doubt that his leadership will steer the team in a new direction,” expressed team manager Jared Lao, son of sports patron Frank Lao, who also supports the programs of College of Saint Benilde and Letran High School.”
Si Yee na kasabay nagsisilbing head coach ng Premier Volleyball League club na Farm Fresh at reigning back-to-back National Collegiate Athletic Association champions Lady Blazers, ay may haharaping malaking hamon.
Ang Lady Warriors ay may nakakadismayang 1-13 win-loss record noong nakaraang season.
Samantala, nagkaroon din ng major shake up ang UE sa high school basketball matapos italaga si Karl Santos bilang bagong Junior Warriors head coach na pumalit kay Ronnie Dojillo.
Si Santos, ang dating head coach ng La Salle Green Hills, ang gumabay sa Greenies sa Final Four sa NCAA Season 95. Siya rin ay nagsisilbing assistant coach para sa PBA team na Converge.