ISINUSULONG ng lalawigan ng Palawan ang pagpapahalaga sa mga alagang hayop lalo na sa mga aso na itinuturing na man’s best friend
Kaya bilang pagpapaigting sa kampanya para magingresponsableng pet owners ay idinaos kamakalawa ang 7th It’s A Dog’s: All Breed Dog Fashion and Talent Show sa Robinsons Place Activity Center bilang bahagi pa rin ng Baragatan Festival 2023 kaalinsabay ng ika-121 pagkakatatag ng Gobyerno Sibil ng Palawan.
Bumida ang 29 na mga alagang aso at ang nakalusot sa final cut ng kompetisyon ay dumaan sa evaluation of health records, fitting at ang showmanship sa mismong araw ng kompetisyon.
Naging mga hurado sa timpalak sina Dr. Apple Fernandez- Dela Cruz; Dr. Abigail Joyce Tuazon- Daguio, at Dr. June Clyde B. Descallar kung saan masusing sinuri ang kalinisan, talento at pisikal na anyo ng mga alagang aso.
Naiuwi ng alagang Belgian ni Arnel Cataloctocan ang unang puwesto na tumanggap ng P15,000.00, plake, gift packs at 6 months free grooming service habang ang alaga namang Italian Mastiff ni Jose Mari Picazo ang pumangalawa na pinagkalooban ng P10,000.00, plake, gift packs at 3 months free grooming service habang nasa ikatlong puwesto naman ang alagang German Shepherd ni Mark Brian Porcadilla na tumanggap naman ng P5,000.00, plake at gift packs. Nagkaloob din ng consolation prize at Certificate of Participation para sa mga hindi pinalad na manalo.
Nagkaloob din ng special awards gaya ng Cutest Dog, Tallest Dog, Largest Dog, Darling of the Crowd, Hunky Dog Award, Best Puppy, Best in Costume, Smartest Dog at Oldest Dog ang Provincial Veterinary Office (PVO) katuwang ang iba’t ibang private groups and establishments.