TSINUGI ng You Tube ang channel ng kontrobersyal na religious sect leader Apollo Quiboloy makaraang ibisto ng isang content creator sa Twitter na ito’y nakakapagpatakbo pa ng isang channel sa platform sa kabila ng umiiral na warrant para sa kanyang pag-aresto mula sa US Federal Bureau of Investigation (FBI) sa mga kasong sex trafficking at money smuggling.
“Upon review, we’ve determined that the channel is in violation of Community Guidelines & has been terminated,” sabi ng You Tube support team sa Twitter bilang tugon sa tweet ng content creator.
Pagmamay-ari ng Google ang YouTube ,isang multinational technology company na ang punong tanggapan ay nasa Estados Unidos.
Si Quiboloy, founder ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) at may-ari ng Sonshine Media Network International (SMNI), isang media network na pamoso sa red-tagging sa human rights advocates, mamamahayag, aktibista at iba pang indibidwal na karaniwang inaakusahan ng gobyerno bilang mga kaalyado ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).
Pinatawan ng sanction ng US Department of Treasury’s Office of Foreign Assets Control (OFAC) si Quiboloy dahil sa mga pang-aabuso umano sa karapatang pantao, kasabay ng pagdiriwang ng International Anti-Corruption Day and Human Rights Day noong Disyembre 2022.
Sa ilalim ng sanction, lahat ng ari-arian at interes sa ari-arian ng mga pinatawang tao na nasa Estados Unidos, o nasa pangangalaga o kontrol ng mga tao sa US, ay blocked at iuulat sa OFAC.