Patay sa pamamaril ang isang mag-asawa at dalawa nilang anak sa Himamaylan City, Negros Occidental, ayon sa mga otoridad.
Kinilala ang mga biktima na sina Rolly at Imelda Fausto at dalawa nilang anak na edad 11 at 15 at ayon sa mga ulat, sa loob at labas ng bahay nakita ang duguang katawan ng mag-iina, habang sa maisan naman nakita ang katawan ng kanilang padre de pamilya na 50 metro ang layo mula sa kanilang bahay sa Barangay Buenavista.
Ayon sa pulisya, ang isang anak na babae ang nakadiskubre sa bangkay ng mga biktima. Wala umano sa bahay ang anak na nakaligtas nang mangyari ang masaker noong Miyerkules ng gabi.
Lumalabas sa imbestigasyon na bago mangyari ang krimen, may mga armadong lalaki ang nagtanong kung saan ang bahay ng mga biktima.
“According sa initial interview ng investigator, may isang neighbor nila na halos 100 meters ang distance [sa bahay ng mga biktima] na may armado na pumunta sa kanila at nagpa-guide kung saan ang bahay ng mga biktima,” sabi ni Police Major Reynante Jomocan, hepe ng Himamaylan Police Station.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at motibo sa krimen.
Samantala, isang guro naman ang nasawi habang natutulog matapos masabugan ng isang granada sa loob ng kaniyang bahay sa Pikit, Cotabato. Ang granada, posible umanong inihagis ng salamin mula sa bintana.
Kinilala ang biktima na si Marichu Cabañog na guro sa Balong Elementary School at base sa imbestigasyon, nangyari ang insidente madaling araw sa bahay ng biktima sa Barangay Ginatilan sa nasabing bayan.
Ayon sa mga otoridad, kaagad na nasawi ang biktima dahil sa tinamong mga sugat. Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon para alamin kung sino ang naghagis ng granada.