Iniulat ng mga otoridad na natagpuang nakabaon sa isang bakanteng lote sa Caloocan ang katawan ng isang babae na naiulat na nawawala simula pa noong nakaraang linggo at ang suspek, nobyo umano ng biktima.
Ayon sa Quezon City Police District, nagreport umano sa kanila ang mga magulang ng nawawalang dalaga noong Huwebes dahil nawawala ito at kasama pa mismo ng mga magulang ng biktima mag-report ang nobyo na agad tinukoy na person of interest.
“Nagpaalam itong babae sa mga magulang na pupunta nga dito. Noong hinanap na ng magulong natunton na huling kasama ng kanilang anak na nawawala ay itong person of interest natin,” saad ni QCPD Station 3 commander Police Lt. Col. Mark Janis Ballesteros.
Nang lumaon ay inamin ng suspek na ginawa niya ang krimen noong Linggo ng hapon sa loob ng subdivision kung saan siya nakatira at itinago pa niya ang labi sa isang bakanteng lote sa Caloocan bago ibaon sa lupa noong Martes.
Ayon sa suspek, matinding pagseselos ang dahilan kaya napatay niya ang kaniyang kasintahan.
Inilipat na ng Quezon City Police ang kustodiya ng suspek sa Caloocan Police.
Samantala, inaresto ang isang lalaki sa North Caloocan dahil sa umano’y panggagahasa at pambubugaw sa 16-anyos na babae.
Ayon sa ina ng biktima, umalis na sa kanilang poder ang kanyang anak, pero hindi naman daw niya inakalang ganito pala ang pinagdadaanan ng dalagita sa nilipatang tirahan at hindi rin niya umano alam na may mga lalaking nanunuluyan doon, kabilang na ang suspek.
Napag-alaman din ng mga pulis na hindi lang umano isang beses inabuso ang menor de edad kundi paulit-ulit at ng iba-ibang lalaki.
Giit naman ng 22-anyos na suspek, gawa-gawa lang umano ang mga paratang sa kanya at nagkakilala daw sila ng biktima sa Facebook at saka naging magkasintahan pero itinanggi ito ng biktima.
Makakasuhan ang suspek ng paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003.