Ngayong ipatutupad na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Metro Manila Council (MMC) ang single ticketing system sa mga siyudad sa Kamaynilaan, marami nang paghahanda ang ginagawa ng ahensya upang masigurong maipatutupad ito ng maayos.
Ayon kay MMDA acting chairperson Atty. Don Artes, sisimulan na ang training ng mga traffic enforcer sa paggamit ng hand-held device para sa single ticketing system sa June 27 at anim na lungsod at mga MMDA traffic enforcers ang unang sasalang sa training.
Kabilang dito ang Quezon City, Caloocan, San Juan, Parañaque, Valenzuela, at Muntinlupa.
“Dumating na po ang delivery ng first batch ng ating handheld device. Ito po ay na-customize na. Siguro first week o second week of July pag nakita natin comfortable na sila. Nasabay na sila sa paggamit nitong handheld device ay ay iro-roll out natin ito softly sa mga LGU, aktwal na po itong gagamitin,” sabi ni Artes.
Sa training, tig-10 gadget lang muna ang ibibigay sa bawat local government unit at kapag nasanay na silang gamitin ito ay ibibigay na ang kabuuang 30 hand held devices o pupwede pang dagdagan depende sa request ng LGU.
Nagdesisyon naman ang MMC na i-deputize ang kanilang mga traffic enforcer para mangumpiska ng lisenya kapag nakakadalawang beses ng huli ang driver na hindi pa nagbabayad sa unang violation.
“Since may option na sila magbayad, kahit pangalawang huli na para maiwasan confiscation pwede nilang bayaran right then and there para hindi na maconfiscate yung license kasi kapag kinumpiska yan ng lgus o ng MMDA ipo-forward namin yan sa LTO so doon nila kailangang tubusin,” sabi ni Artes.
Kailangan talagang sanayin ang ating mga traffic enforcers sa bagong teknolohiyang gagamitin sa pagpapatupad ng single ticketing system dahil baka maging ugat pa ito ng isang mas magulong sistema. Sayang naman kung mangyayari yun dahil maganda naman ang hangarin na magkaroon na ng isahang pagpapatupad ng traffic regulations sa Metro Manila.