Nakatakda na namang bumalik sa ring ang pambato ng bansa na si Nonito Donaire para sa world title fight laban sa Mexican brawler na si Alexandro Santiago.
Sa July 15 2023 ang laban at gaganapin ito sa Las Vegas, Nevada para sa bakanteng WBC bantamweight belt, ay magsisilbing co-feature sa lightweight clash tampok sina Frank Martin at Artem Harutyunyan sa isang Showtime triple bill.
Susubukan ng 40-anyos na si Donaire na basagin ang kanyang sariling record bilang pinakamatandang bantamweight champion.
Kakalabanin sana ni Donaire si Jason Moloney para sa WBC title ngunit pinili ng Australian na ituloy ang WBO strap kung saan napatalsik niya si Filipino Vincent Astrolabio sa California.
Ayon naman sa trainer at manager ni Donaire na si Rachel Donaire, dapat sana ay gagawing headliner sa Agosto ang laban, subalit mas minabuti na nilang sa susunod na buwan na gawin ang laban dahil nagsisimula na ang kanyang training sa Cebu.
“We had the option of being the main event in August but with the momentum of camp, we didn’t want to risk burnout of plus four weeks and the opportunity to be fighting in Vegas with Frank Martin,” saad ni Rachel.
Huling lumaban si Donaire – na may 42-7 kartada kabilang ang 28 knockouts – noong Hunyo 2022 sa rematch nila ng Japanese boxer na si Naoya Inoue sa Japan kung saan siya nabigo sa second round.
Si Santiago naman ay naging kalaban na ni former IBF world super flyweight champion Jerwin Ancajas noong 2018 na nauwi sa tabla. Siya ay may kartadang 27-3-5 kasama ang 14 knockouts.