Isa si Geneva Cruz ngayon sa mga artistang nag-undergo ng training para maging reservist o ang pagsasanay sa pagiging sundalo para maging handa sa laban sakaling kailanganin ng bayan. Kung wala namang giyera, maaari silang magsilbi sa ibang pamamaraan gaya ng pagtulong sa mga tunay na sundalo na rumeresponde kapag may kalamidad.
Sa case ng singer-actress na si Geneva Cruz, na isang aktibong reservist ng Philippine Air Force, pagtulong daw sa kapwa, “without entering politics” ang nagtulak sa kanya para pasukin ang pagiging reservist.
“Reservist ako ng Air Force more than a year na,” panimulang kuwento niya sa amin. “Hopefully, maybe after the concert, maging reservist din itong mga kasama ko…” dagdag niya na ang tinutukoy ay ang mga kapwa singers na sina Gino Padilla, Raymond Lauchengco, Randy Santiago, at Roselle Nava.
“Why not, hindi ba? I think makakatulong din sila in a way kasi ako gusto kong makatulong sa kapwa ko without entering politics and that is the reason kung bakit ako naging reservist. Basically, kapag kailangan ng manpower during medical missions tumutulong kami…pag punta sa mga bundok-bundok, sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas. Ine-encourage namin ‘yung kapwa Pilipino natin na makatulong,” sabi ng singer at aktres.
“Tuloy ‘yong mga klase [training] namin sa pagre-reservist kaya doon ako nae-excite kasi ang dami talagang natututunan sa Philippine Air Force,” dagdag niya.
“During that time, online classes pa and sabay pa noong ginagawa ko ‘yong Little Princess. Nasa lock-in taping ako and I was doing online classes during Monday, Wednesday, and Friday. Pag labas ko, ginawa ko naman ‘yong physical training na and ‘yon ‘yong madugo. Maraming benefits…before I joined the Philippine Air Force, ni hindi ko mabuhat ‘yong M16 kong baril ‘tsaka ‘yong backpack ko because I have scoliosis. Hirap na hirap ako and sumasakit. Because of that, I started weight training so now I lift weights. I do Taekwondo on the side. I became very active. I also do marathon…At 47, I have become this strong woman. Hindi ‘yong strong lang sa loob but also sa labas,” sabi pa ni Geneva.