Mukhang malaking problema ang mangyayari ngayong halos sabay nang nag-aalburoto ang Mayon at Taal Volcano dahil hindi na malaman ng mga residente ng mga nasabing lugar kung ano na ang mangyayari sa kanila.
Kamakailan lamang ay nagtungo sa Taal Volcano Island ang Office of Civil Defense-Calabarzon, Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), Phivolcs, Philippine Coast Guard, Department of Health (DOH), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at iba pang ahensya ng gobyerno upang magsagawa ng ocular inspection.
Layunin nila na matiyak na wala nang naninirahan sa Taal Volcano na isang permanent danger zone pero pagtungo ng grupo sa Volcano Island, inabutan nila ang mga kalalakihan sa mga itinayong barong-barong.
Katwiran nila, sila ay nagpapakain lamang ng mga isda at umaalis din sa isla pagsapit ng 2 p.m.
Pero nagtataka si Dr. Amor Calayan, head ng Batangas PDRRMO, dahil nakita nila ang mga maraming damit at may videoke, pa na nangangahulugan na may naninirahan na muli dito.
May mga nakita na rin mga alagang hayop gaya ng mga aso, manok at kambing.
Gayunpaman, umaasa ang Batangas PDRRMO na totoo ang sinasabi ng mga nasa isla na umuuwi rin sila sa mainland pagsapit ng hapon.
Nais din ng Batangas PDRRMO na magkaroon ng manifesto para malaman ang record kung ilan ang pumupunta sa Volcano Island at kung totoong bumabalik din sila sa bayan pagkatapos magpakain ng mga isda.
Panawagan namin sa mga residente, sana lamang ay sundin niyo na ang mga inilalatag na patakaran ng pamahalaan upang maiwasan ang anumang hindi magandang pangyayari kung sakali ngang pumutok ang Taal Volcano.