Aminado si Miss Universe Philippines 2020 Rabiya Mateo na talagang matinding pressure ang naramdaman niya nang unang sumabak siya sa shooting ng kauna-unahan niyang primetime teleserye sa GMA.
Ayon sa kanya, hindi pa rin siya makapaniwala na nakasama siya sa powerhouse cast ng “Royal Blood” na pinagbibidahan ng Primetime King na si Dingdong Dantes at nagpapasalamat rin siya dahil sa tiwala sa kanya ng mga bossing ng GMA.
Thankful rin siya na nabigyan siya ng isang napakagandang role at kasama pa ang naglalakihang artista sa showbiz industry.
“Grabe po siguro ‘yung pressure kasi ako po ‘yung pinakabago rito. And nagpapasalamat po ako sa production and everybody because they allow me to become a beginner. They allow me to make a mistake and ‘yung feedback na ‘yun that pushes me to really be better,” saad ni Rabiya sa isang mediacon.
Aminado rin ang beauty queen turned actress na isang napakalaking achievement para sa kanya na makatrabaho si Dingdong.
“Mabigat po siyang responsibility kasi siya po ang ating Primetime King. Pero, every day I remind myself na somebody saw a potential in me at hindi ko pwedeng gawing rason na baguhan ako for me not to deliver. Kaya nagpapasalamat po talaga ako sa lahat ng naniwala sa akin. Thank you Kuya Dong for helping me. May mga eksena akong nahihirapan ako at sinasabi ko po sa inyo at nandu’n po kayo para i-guide ako kaya salamat po talaga,” ang mensahe ni Rabiya kay Dong.