Iniulat ng mga otoridad nitong Lunes na dalawa ang nasawi – kabilang ang isang menor de edad – habang nasa 16 na katao ang nasugatan nang araruhin ng isang water tanker sa La Paz, Iloilo City.
Ang mga nasawi ay isang 18-anyos na lalaki at isang 16-anyos na babae at ayon sa mga ulat, nawalan umano ng preno ang water tanker dahilan para maararo nito ang isang bakeshop, botika, tindahan ng litsong manok at mga nakaparadang tricycle at motorsiklo.
Ngunit nang hinihila na ng otoridad ang sasakyan para maalis ito sa lugar ay bigla itong umarangkada at inararo ang mga biktima.
Kinilala ang driver ng water tanker na si Rodrigo Dayon na dinala sa La Paz Police Station. Ang rescuer na nagmamanaho ng truck habang hinihila ito ay nasa kustodiya na rin ng pulis.
Sa Kamaynilaan naman, aabot sa 11 pasahero ang nasugatan sa banggaan ng dalawang bus sa bahagi ng EDSA Carousel northbound sa Quezon City noong gabi ng Linggo.
Minor injuries ang tinamo ng mga pasahero bagaman wasak ang harapan at basag ang salamin ng isang bus matapos mabangga ng isa pang bus paglagpas ng Quezon Avenue flyover.
Ayon sa driver na si Redine Bangcaya, papasok siya ng EDSA Busway nang tamaan ang likurang bahagi ng minamaneho niyang bus, dahilan para umikot pa ito.
Inararo ng bus ang 48 concrete barrier, apat na plastic barrier at maging ang mga signage ng busway.
Pero ayon sa mga nakakita, nag-unahan sa pagmamaneho ang dalawang bus driver.
“Ang kwento po ng mga pasahero, nagkakaunahan, nagbubusinahan,” saad ni Ronnel Castro, traffic auxiliary officer ng Metropolitan Manila Development Authority.
“‘Yong ibang pasahero masakit ang likod, ‘yong iba hindi makahinga. Kaya pinauna na sa ambulansiya sa ospital,” dagdag niya.
Nagpaalala naman ang mga awtoridad na sumunod sa tamang linya ng mga sasakyan at magbigayan sa daan para makaiwas sa mga aksidente.