Halos tatlong linggo ring hindi namataan sa social media ang aktres at celebrity mom na si Solenn Heussaff pero nitong nakaraan ay nagparamdam na uli siya sa kanyang mga tagahanga at tagasunod.
Ayon kay Solenn, talagang naging busy siya nitong mga nakaraang araw lalo na’t tutok na tutok siya ngayon sa kanyang second baby na kakapanganak lang noong Disyembre.
Sa kanyang IG nagbigay ng update si Solenn at inamin niyang naging “missing in action” siya online at ipinaliwanag na ito ay dahil sa kanyang busy schedule.
‘Yan ay hindi lamang sa pamilya, kundi na rin sa iba pang pinagkakaabalahan sa buhay.
Kabilang na raw diyan ang paglilipat ng bahay at paggawa ng bago niyang collection para sa kanyang upcoming art exhibit.
“Been MIA lately online,” sabi ni Solenn sa caption. “Busy enjoying my family, moving to a new place, working on peace of mind to upcoming collections, planning my next exhibit, working on myself and much more.”
Matatandaan noong Marso nang ipinakilala na sa publiko ni Solenn ang second baby nila ni Nico Bolzico na si Maëlys Lionel.
Marami pa nga ang nagsabi na mas kamukha ni Nico ang bago nilang anak.
Noong December 14 naman ay excited na ipinost ni Nico na isinilang na ni Solenn si Baby Maëlys.
Kasabay din niyan ay ibinunyag niyang “Lionel” ang magiging second name ng kanilang baby na kung saan ay pinangalanan ito sa Argentinian professional footballer na si Lionel Messi.
Noong Hulyo ng nakaraang taon nang inanunsyo ng mag-asawa na magkakaroon na sila ng second baby.
Ang gender reveal ay nakumpirma noong Setyembre.
Taong 2016 nang ikinasal ang celebrity couple at taong 2020 naman nang isinilang nila ang kanilang first baby na si Thylane.