Todong pagtatanggi ang ginawa ng aktres at TV host na si Maine Mendoza ang mga kumakalat na balita na magiging televised umano ang kasal nila ng kanyang nobyong aktor na si Arjo Atayde.
Sa Twitter nilinaw ng dalaga ang balita at iginiit na walang katotohanan ang mga ito.
“Huh? This is not true and the article is misleading. Not sure if clickbait done on purpose or comprehension is just [sad emoji],” saad ni Maine. “I am the last person to publicize a personal affair.”
Sabi pa ni Maine, marami raw sa mga netizens ang madaling maniwala sa mga nakikita nito online.
“Kakaloka din how some netizens would simply believe what they see on the Internet. Kailan ba mauuso ang fact-checking?!” saad ni Maine.
Ang naturang article na ibinahagi ni Maine ay mula sa naging interview ni Joey de Leon ukol sa pagbabalik nito sa telebisyon matapos ang pagre-resign sa TAPE Inc.
Marami raw kasing dapat abangan sa bago nilang show na mapapanood sa TV5, ang kanilang bagong tahanan.
“We will start in a few days. Yes (immediately). Hindi na namin papatagalin kasi hinahanap na rin ng mga katawan namin. Ang maganda nito, we’re already airing during our 44th anniversary and the wedding of Maine. So ‘yun yung mga big events na aabangan niyo,” sabi ni Joey.
Matatandaang nitong July nga ang napapabalitang kasal ng dalawa ngunit wala pa namang eksaktong petsa kung kailan ito magaganap. Noong July 2022 rin nang mag-propose si Arjo sa dalaga na naganap sa isang beach resort sa Batangas.