Todo-tanggi ang aktres na si Bea Alonzo sa mga kumalat na balita na nag-propose na umano sa kanya ang boyfriend na aktor na si Dominic Roque dahil sa isang IG post ng binata na nagpapakita ng romantic date by the beach nila ni Bea.
Finger heart emoji lang ang naging caption ng aktor sa nasabing post, pero maraming netizens ang napa-comment at naghinala na baka engaged na ang dalawa.
Ayon sa dalaga, mahilig lang talagang mag-post si Dom ng throwback pictures nilang dalawa sa social media.
“Picture ‘yun noong nagpunta kami sa Amanpulo na akala ng mga tao na engaged kami,” sabi ni Bea. “Hindi, hindi pa kami engaged po.”
Noong nakaraang buwan lamang ay nagpasabog din ng kilig ang celebrity couple matapos i-flex sa social media ang ilang ganap nila habang nagbabakasyon sa California.
Sabi pa ng dalaga, talagang sinisiguro nila ni Dom na nabibigyan nila ng quality time ang isa’t isa kahit pa gaano sila ka-busy sa kani-kanilang respective career.
Matatandaan noong August 2021 nang kinumpirma ni Bea ang tunay na relasyon nila ni Dom.
Noong October 2022 naman nang ibinunyag ng showbiz writer na si Ogie Diaz na umamin sa kanya si Dom at sinabing sigurado na raw siya kay Bea.