Ngayong nalalapit na ang pagsisimula ng election period para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre 30, 2023, inaasahan na marami nang ilalabas ang Commission on Elections (Comelec) na mga panuntunan upang masigurong magiging matagumpay at tahimik ang gagawing botohan.
At nitong nakaraan, pinagtibay na ng Comelec ang resolusyon nito kaugnay ng mga panuntunan sa implementasyon ng gun ban para sa eleksyon na nakalaman sa Comelec Resolution 10918 o ang Rules and Regulations sa pagdadala ng baril at iba pang deadly weapons at ang pagkuha ng serbisyo ng mga security personnel at bodyguards sa panahon ng kampanya.
Pinamumunuan ni Comelec commissioner Aimee Ferolino bilang chairperson ang Committee on the Ban on Firearms and Security Concerns o CBFSC na siyang mag-i-isyu ng Certificates of Authority o CA at magiging responsable sa implementasyon ng mga panuntunan sa pagkuha ng gun ban exemption.
Sabi ng Comelec, ipatutupad ang gun ban mula Agosto 28, 2023 hanggang Nobyembre 29, 2023 at sa panahon na umiiral ang gun ban, sabi ng Comelec, ang mga papayagan lang na makapagdala ng baril ay ang mga may gun ban exemption mula sa CBFSC.
Sa panahon ng gun ban, ipinagbabawal ang pagdadala ng kahit anong baril at firearms sa labas ng bahay o business establishments, at mga pampublikong lugar. Ipinagbabawal rin pagkuha ng serbisyo ng mga security personnel at bodyguards, at ang pagbiyahe ng mga firearm at explosives.
Binigyang diin ng Comelec na ang sinomang lalabag dito sa panahon ng halalan ay mahaharap sa Election Offense na may pagkakaulong nang hindi bababa sa isang taon at hindi lalagpas sa anim na taon.
Ang mga mapapatunayang nagkasala ay pagbabawalan ding manungkulan sa anumang tanggapan ng gobyerno at hindi na rin makakaboto.
Kaya paalala sa ating mga kababayan, dapat ay sundin natin ang mga batas upang masigurong hindi magkakaroon ng kaguluhan pagdating ng araw ng halalan.