Aminado ang aktres at TikToker na si Yukii Takahashi na malakas talaga ang chemistry nila ng aktor na si McCoy de Leon ngayong magkasama na sila sa FPJ’s Batang Quiapo, kung saan ginagampanan niya ang pagiging love interest ni McCoy.
At dahil mas naunang na-establish ang tambalang McCoy at Elisse Joson, kaya’t natanong si Yukii kung handa ba siyang ma-bash ng mga loyal fans ng McLisse dahil sa pagpasok niya sa eksena. Ani Yukii, tanggap daw niya ang posibilidad na ito kung sakali.
“Siyempre sa ganoong bagay, di naman po natin kontrolado ‘yon. So, what I can control is what I do for myself and for my work,” sabi ni Yukii.
Pero naniniwala siyang swak ang tandem nila ni McCoy dahil pareho umano silang passionate sa kanilang craft.
“Feeling ko ‘yong background namin, parehas po naming naintindihan how to react when there’s a scene and we know the background of the story. And in real life, ganoon din naman po. I think ‘yon ding passion at desire namin to learn. I think, iyon ang similarities at doon kami nagkakasundo,” sabi ng dalaga.
Bukod sa Batang Quiapo, si Yukii ay bida rin sa Puregold online series na Ang Lalake sa Likod ng Profile, kung saan kapareha niya si Wilbert Ross.
Regular cast member din siya ng NET25 sitcom na Ano’ng Meron Kay Abok? kasama si Empoy Marquez.
Nasa cast din siya ng pelikulang I Love Lizzy at Ang Pangarap Kong Oscars, maging sa HBO limited series na Call My Manager ni Direk Erik Matti.