Talagang dumarami na naman ngayon ang naglilipanang mga illegal recruiters dahil nagsisimula nang magluwag ang mga bansang naghahanap ng mga overseas Filipino workers.
Nitong mga nakaraan nga ay mga ulat nang naglabasan kaugnay sa mga illegal recruiters na ito na nakakapambiktima ng mga kawawang OFW na ang nais lang naman ay makahanap ng maayos na trabaho abroad upang umangat ang buhay.
Pero nitong Biyernes lamang ay may isinarang visa assistance at travel consultancy company ang Department of Migrant Workers (DMW) sa Barangay Pasong Tamo sa Quezon City dahil sa umano’y ilegal na pagre-recruit nito ng mga manggagawang interesadong mag-abroad.
Lumabas sa imbestigasyon ng DMW na nag-aalok ang OVM Visa Assistance and Travel Consultancy ng trabaho para mag-hotel worker, cleaner, o waiter sa Malta at Poland kahit hindi umano ito lisensyadong recruitment agency.
Ayon sa DMW, higit P400,000 ang sinisingil ng recruitment agency para sa processing fee. Ayon sa nagreklamo sa kanilang opisina, hindi pa rin siya nakaaalis ng bansa kahit kumpleto na ang kaniyang bayad.
“The fact na nagpapanggap sila na wala naman silang accreditation sa amin, may deception nang involved diyan. Nanlilinlang sila ng mga inosenteng aplikante,” paliwanag ni DMW Secretary Susan “Toots” Ople.
Inihahanda na ng DMW ang isasampang kaso laban sa may-ari ng kompanya at nanawagan din si Ople sa mga nabiktima umano nito na lumapit sa ahensya at maghain ng reklamo.
Paalala rin ni Ople sa mga interesadong mag-abroad, tiyaking lehitimo ang ka-transaksyong recruitment agency.
May mga ginagawa nang hakbang ang ating pamahalaan upang masugpo na ang mga illegal recruiters na ito, pero mas maigi pa rin na mag-ingat rin ang ating mga kababayan nang sa ganoon ay hindi sila mabiktima pa.