Inihayag ng National Bureau of Investigation (NBI) na nadakip na ng mga operatiba nito ang isa sa persons of interest (POI) kasong panggagahasa at pagkamatay sa isang 28-anyos na babaeng arkitekto sa Davao City.
Ang suspek ay nadakip sa isinagawang anti-illegal drug operation ng NBI, pero ang misis ng suspek, sinasabing tinaniman umano ng droga ang kaniyang mister.
Nitong nakaraan ay nagsasagawa ng parallel investigation ang NBI-Davao (NBI-11), sa nasabing rape-slay case batay na rin sa kahilingan ng pamilya ng biktima at bukod pa ito sa isinasagawang imbestigasyon ng binuong special investigation task group (SITG) ng Davao City Police Office.
Ayon kay NBI-11 regional director Atty. Archie Albao, nadakip nila ang 36-anyos na lalaki sa isang buy-operation at hindi tungkol sa rape-slay case.
Sinabi ni Albao na isinagawa ang buy-bust nitong Linggo sa Calinan-Bukidnon Road, at nasa pangangalaga ngayon ito ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-XI).
Lumalabas umano na isa sa limang itinuturing na POI sa rape-slay case ang kanilang nadakip.
Hindi pa umano nila maikonsidera na suspek sa rape-slay case ang kanilang nadakip na lalaki habang hindi pa lumalantad at nagbibigay ng sinumpaang salaysay ang kanilang testigo na magtuturong kasangkot ito sa naturang karumal-dumal na krimen.
Samantala, sinabi ng misis ng dinakip na lalaki sa social media post, na pinasok ng tauhan ng NBI ang kanilang tindahan at dinakip ang kaniyang mister na isa umanong registered mountaineering guide.
Ayon pa sa ginang, tinaniman umano sila ng illegal na droga at baril at wala rin umano silang tricycle na kagaya ng sinakyan ng biktima, at nasa bahay umano nila ang kaniyang asawa nang patayin at gahasain ang dalagang arkitekto.
Itinanggi naman ng NBI-11 ang paratang ng ginang at sinabing nagpositibo sa droga ang lalaki.
Matatandaan na nakita ang bangkay ng biktima na natatakpan ng dahon ng saging sa Barangay Dacudao noong umaga ng Mayo 17.
Bago nito, nakapag-text pa ang biktima sa kaniyang mga magulang noong gabi ng Mayo 16 na pauwi na siya sakay ng tricycle, na tinatawag ding “bao-bao.”