LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro – Inanunsyo ni Governor Humerlito Dolor na nasa 10 bayan sa lalawigan ang inalis na ang fishing ban matapos pumasa sa mga pagsusuri na isinagawa ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
“Bukod sa mga bayan ng Puerto Galera, San Teodoro, Baco, Bongabong, Roxas, Mansalay at Bulalacao, malugod kong ibabalita na tatlong bayan pa ang naidagdag sa mga lugar na maari ng mangisda ang ating mga kababayan, ito ang lungsod ng Calapan, Gloria at Bansud matapos isumite ng BFAR ang positibong resulta ng mga pagsusuri sa mga isda at tubig dagat,” sabi ni Dolor.
Pinapahintulutan na rin dito ang mga water activities na kalimitan ay nagiging tampok sa turismo sa mga baybaying dagat.
Gayunpaman, nananatili pa rin na bawal pang mangisda sa 15 kilometrong sakop ng mga karagatan ng Naujan, Pola at Pinamalayan mula sa ground zero na pinaglubugan kamakailan ng M/T Princess Empress.
Samantala, ipinabatid din ng gobernador na paparating na ang Dynamic Support Vessel (DSV) Fire Opal na galing pa sa bansang Singapore. Dumaong na ito sa Subic Bay Freeport Zone at inaasahang dadaong sa Batangas Port sa Mayo 29 at pagkatapos ay dederetso na ito sa elsaktong lugar na pinaglubugan ng nasabing tanker upang kunin ang natitira pang langis na tinatayang tatagal ng 20 hanggang 30 araw.