Apat na menor de edad ang nadakip ng mga otoridad matapos madiskubreng may dala silang mga ilegal na droga na pinaghihinalaang shabu sa magkakahiwalay na anti-illegal drug operations sa Quezon City.
Ayon sa ulat mula sa Quezon City Police District (QCPD), isang 16-anyos na binatilyo ang nahuli ng mga tauhan ng Station 3 sa Barangay Balon Bato habang nag-aabot ito ng isang item na hinihinalang shabu sa isang pulis na nagpanggap na buyer.
Nakuha mula sa menor de edad ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P3,400 at ayon sa Talipapa Police Station, dati na ring nahuli ang menor de edad sa ilegal na droga noong 2018 sa Navotas.
Sa ibang operasyon, tatlong menor de edad naman ang nahuli sa Barangay Unang Sigaw, kung saan ang dalawa sa kanila ay edad 15 habang ang isa ay edad 14 at nakuha sa sa kanila ang apat na gramo ng shabu na nagkakahalaga naman ng P27,200.
Ayon sa isang opisyal ng Barangay Unang Sigaw, may dati na ring record ang mga menor de edad.
Inihabilin sa Social Services Development Department ang mga suspek, na hindi na kinunan ng pahayag ng media.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang posibleng pinagkukunan ng droga ng mga naarestong kabataan.
Samantala, nadulas ang ilang motorcycle riders sa EDSA dahil sa tumagas na langis mula sa isang dump truck.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), nilagyan na ng mga tauhan nila ng kusot ang isang bahagi ng EDSA-Santolan southbound lane matapos tumagas ang langis mula sa isang truck.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente badang alas-onse nitong Miyerkoles ng gabi at dahil sa dulas ng kalsada, ilang napadaang motorista ang naaksidente.
“Yung mga motor na sumemplang pero hindi naman totally nasaktan. Bale mga motorsiklo lang ang na-damage,” saad ni Sherwin Aroy ng MMDA traffic auxiliary.
Galing umano sa Porac, Pampanga ang truck upang mag-deliver ng buhangin sa Camp Aguinaldo.
“Nang pomreno ako, biglang bumagsak ang steering box ko. Pagbagsak, tumulo yung langis. Yun ang nangyari,” pahayag ni AR Samson, driver ng truck.
Inabot ng halos dalawang oras bago nahatak ang dump truck, ayon sa ulat.