Nakumpirma na ng dating talent manager ni Liza Soberano na si Ogie Diaz na hiwalay na sila ni Enrique Gil sa “Showbiz Update” vlog sa YouTube.
Mukhang hindi na talaga maikakaila na hiwalay na ang dalawa dahil nang ma-interview si Liza sa Amerika nang dumalo siya sa isang event ay binanggit niyang “single” siya.
At sa “Showiz Now Na” ay nabanggit din ni Nanay Cristy Fermin na naniniwala siyang hiwalay na ang dalawa at hindi lang nagsasalita pa, hintayin na lang ang araw na ready na silang umamin sa publiko.
“Actually nakarating din sa akin ‘yan na split o break na sina Enrique Gil at Liza Soberano. Okay parang nag-ugat ito Loi ro’n sa mga pronouncement o mga nakaraang interviews ni Liza na never niyang binanggit si Enrique Gil. Tapos ‘yung parang hindi pa siya pabor sa pagpapatatag ng loveteam, isa rin ‘yun. Kaya nagkaroon ng agam-agam na baka nga wala na sila dahil una, hindi niya ipinagmamalaki ang boyfriend niya, kasi kung ano (sila pa) magpo-post ‘yan si Liza,” sabi ni Ogie sa vlog.
“Tapos nu’ng birthday ni Enrique wala ring greeting si Liza online pero nanatiling tahimik sila pareho sa isyung ito. Parang iyon na lang ang konklusyon ng karamihan lalo na ng mga sumusubaybay ng LizQuen kung wala na ba talaga sila?” dagdag niya.
Ang nakarating daw sa kanya na dahilan ng hiwalayan ng LizQuen ay si Liza ang nakipag-break dahil gusto niyang mag-concentrate sa kanyang career sa Hollywood.
“Ang nakarating pa sa atin ay si Enrique Gil daw ay nagpu-push pa na baka kaya pa sila o posible pang maituloy habang si Liza ay gusto pa ring tuparin ang kanyang Hollywood dream. Isa pang nakadagdag diyan Loi ay ‘yung hindi alam ni Enrique Gil na dumating pala rito si Liza at sinundo siya ng management niya,” pagtatapat ni Ogie.
Nabanggit pa ni Ogie na noong siya pa ang manager ni Liza ay naisip niyang silang dalawa na ni Enrique ang magkakatuluyan dahil maganda ang relasyon nila.