Arestado ang siyam na miyembro ng tinatawag na “Laglag-barya” Gang matapos magsagawa ng follow-up operations ang pulisya sa Maynila nitong nakaraan.
Ang modus ng grupo ay papaligiran ang kanilang mga biktima at lalansihin ang mga ito sa pamamagitan ng paglalaglag ng barya at kapag nalingat ang biktima ay sisikwatin na ang maaaring makuha sa mga ito.
Sa isang CCTV footage, makikitang umaaligid ang limang indibidwal sa nakaupong babaeng customer ng fast food chain sa Angeles City, Pampanga at maya-maya pa’y kinalabit ng lalaking nakaputi ang customer at tinuro ang mga nalaglag na barya.
At nang mawala ang kanyang atensyon, dali-daling kinuha ng lalaking nakasumbrero ang kanyang bag.
Sa Sta. Cruz, Maynila naman, tumigil ang kulay asul na sasakyan sa harap ng puting SUV na ito.
Ilang saglit lang ay nagsibabaan ang mga sakay nito at saka pumuwesto sa paligid ng SUV.
Nang makakuha ng tiyempo, nilapitan ng isang lalaki ang driver ng SUV at sinabing may mga nalaglag na barya mula sa sasakyan. Habang kinakausap siya nito, hindi namalayan ng driver na binuksan ng isa pang kawatan ang pintuan ng SUV at saka pasimpleng kinuha ang bag na naglalaman ng P350,000.
Nagreklamo ang biktima sa istasyon ng pulis. At matapos ang isinagawang follow-up operation, naaresto ang siyam na miyembro ng laglag barya gang na responsable rin sa naging nakawan sa Pampanga.
Apat sa kanila ay una nang nahulihan ng ilegal na droga.
Sinampahan na ng reklamong theft at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga suspek.
Samantala, pinaghahanap pa ng pulisya ang iba pang miyembro ng ‘laglag barya gang’ na tinuturing nang notorious sa Maynila.