Iniulat ng mga otoridad nitong Miyerkules na patay sa pamamaril ng mga salaring sakay ng motorsiklo ang isang radio broadcaster sa Calapan City, Oriental Mindoro at ang isa sa mga suspek ay namatay sa “aksidente” nang habulin ng anak ng biktima.
Ayon sa Police Regional Office MIMAROPA, ang biktima ay kinlalang si Cresenciano Bunduquin na pinagbabaril sa harap ng isang sari-sari store dakong 4:20 a.m. nitong Miyerkules.
Sa inilabas ng pahayag ng PRO- MIMAROPA, sinabing tumakas ang dalawang salarin sakay ng motorsiklo.
Sa hiwalay na pahayag mula kay Philippine National Police (PNP) public information office chief Police Brigadier Redrico Maranan, sinabi nito na isang Special Investigation Task Group ang binuo para lutasin ang naturang krimen.
Ayon pa kay Maranan, inutusan ni PNP chief Police General Benjamin Acorda. Jr ang Police Regional Office 4B at Calapan City Police Station, na bilisan ang imbestigasyon para matukoy ang mga salarin.
“The PNP will establish a Special Investigation Task Group to handle the investigation. This will pave way for a deeper probe to expedite the gathering of pieces of evidence and testimonies,” sabi ni Maranan.
“We are maximizing our efforts to get more pieces of evidence and testimonies in order to shed light on this incident and facilitate the immediate arrest of the perpetrators,” dagdag niya.
Ayon sa PRO MIMAROPA, komentarista ng DWXR 101.7 Kalahi FM MUX Online Radio ang biktima.
Samantala, batay sa inilabas na update ng PRO-MIMAROPA, sinabi nito na nasawi ang isa sa mga suspek nang aksidenteng mabangga ng anak ni Bunduquin ang motorsiklong sinasakyan ng tumatakas na mga suspek.
Kinilala ang nasawing suspek na si Narciso Ignacio, na nagtamo ng pinsala sa ulo na dahilan ng kaniyang pagkamatay habang nakatakas naman ang kanyang kasama.
Mayroon din umanong isang person of interest ang pulisya sa kaso, ayon kay Police Colonel Samuel Delorino, hepe ng Oriental Mindoro Provincial Police Office at Special Investigation Task Group commander.
“Follow-up operations and leads from the pieces of evidence gathered at the crime scene, members of the SITG have already identified a person of interest,” sabi ni Delorino. “We will update the public with details as to the development of the investigation. We guarantee to bring swift justice to the victim and his family.”