Nitong nakaraan ay may naiulat na pamamaril sa dalawang guro noong Biyernes ng umaga sa bayan ng Pikit, Cotabato, kung saan isa ang namatay at isa ang sugatan.
Ayon sa mga ulat, sakay sa motorsiklo ang mga guro na sina Joel Reformado at Elton John Lapined mula sa Barangay Silik at patungo sa Barangay Poblacion at pagdating doon ay bigla na lang umano silang pinagbabaril ng dalawang hindi pa nakikilalang kalalakihan gamit ang .45 caliber pistol.
Ang pangyayaring ito ay mariing kinondena ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato at ng Department of Education (DepEd) Cotabato at ayon sa DepEd, nakikiisa sila sa pagdadalamhati ng mga pamilya, kamag-anak, kapwa-guro, at mga kaibigan ng mga biktima.
Binigyang-diin nila ang kahalagahan ng mga guro sa lipunan at nananalangin sila na mahinto ang karahasan.
Sinabi naman ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza dismayado sila sa insidente at itinuturing na karumal-dumal ang pamamaril sa nasabing mga guro.
Inatasan ni Mendoza ang mga awtoridad na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay ng kaso.
Nagsasagawa ng hot pursuit operation ang pulisya katuwang ang iba pang law enforcers sa nangyaring krimen.
Nitong Martes ng umaga, pinulong ng pulisya at mga sundalo ang mga guro kasama ng kani-kanilang mga punong guro upang pag-usapan ang mga hakbang upang bigyan sila ng seguridad papunta sa kani-kanilang paaralan.
Naging laman din ng usapin ang pagsunod sa takdang oras na pinag-usapan kung anung oras sila dapat ihahatid maging ang takdang lugar kung saan sila dapat susunduin.
Dapat nang matigil ang karahasang ito lalo na sa ating mga guro, dahil hindi ito isang magandang ehemplo para sa mga kabataan.
Sana ay maresolba na ng mga kinauukulan ang insidenteng ito at magkaroon pa ng mas matinding kampanya laban sa mga masasamang elementong ito upang hindi na ito maulit pa.