Hanggang ngayon ay hindi pa rin tumitigil sa pananalasa ng mga teroristang grupo sa bansa lalo na sa mga kanayunan at nitong nakaraan nga ay naiulat na nasa 3,000 residente ang inilikas sa bayan ng Marogong, Lanao del Sur dahil sa banta umano ng teroristang grupong ISIS.
Ayon sa mga militar, umabot na sa 3,154 indibiduwal ang umalis sa kanilang mga tirahan kasunod ng banta, base sa tala ng Ministry of Social Services and Development sa Bangsamoro region.
Kamakailan, naaresto ang apat na miyembro ng teroristang grupo matapos magdala ng mensahe sa mga awtoridad na magtatanim sila ng mga bomba sa paligid ng bayan.
Nagbanta rin umano sila ng situwasyong kapareho ng Marawi siege.
Pansamantalang inilipat sa mga kalapit-bayan ang mga residente, na binigyan din ng relief goods habang hinihintay na maayos ang situwasyon.
Inaasahan naman umano ng MSSD na madadagdagan pa ang bilang ng mga lilikas sa mga susunod na araw dahil sa patuloy na pagbabanta.
Ayon kay Philippine National Police Chief Gen. Benjamin Acorda Jr, nag-deploy na sila ng mga tauhan sa Marogong para tiyakin ang seguridad ng mga residente.
Tuloy rin ang pagbabantay ng mga pulis sa situwasyon at pakikipag-ugnayan sa Armed Forces of the Philippines, sabi pa ni Acorda.
Ang mga ganitong klaseng insidente ay hindi dapat pinalalampas ng pamahalaan at kailangan nang paigtingin pa ang kampanya laban sa mga ito.
Hindi magkakaroon ng tunay na kapayapaan sa ating bansa kung magpapatuloy ang paghahasik ng lagim ng mga teroristang grupong ito, kaya dapat lang na mapuksa na ang mga ito.