Iniulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nasa 15 Filipino bikers ang sugatan matapos silang araruhin ng isang SUV sa Kuwait kahit pa nasa bike lane sila at walo sa mga biktima ang nananatili pa rin sa ospita
Ayon kay DFA Undersecretary Eduardo Jose de Vega na hepe rin ng Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs, nasa 30 Pinoy ang kasama sa grupo ng mga nagbibisikleta.
Dagdag niya, pito sa 15 Pinoy na dinala sa pagamutan ang nakalabas na ng ospital habang ang walo ay nananatili pa rin sa ospital at ang isa sa kanila ay nagkaroon umano ng brain hemorrhage o may pagdurugo sa utak.
“Mayroon isa may head trauma, multiple abrasion and brain hemorrhage. Pero hindi naman sinabi na emergency, araw-araw nagche-check ang embassy,” saad ni De Vega.
Iniimbestigahan pa umano ng mga awtoridad ng Kuwait kung sinadya o aksidente ang pagkaka-araro sa mga Pinoy na nangyari noong Biyernes ng umaga.
Pawang mga lalaking Pinoy ang biktima, at hindi tumigil ang nakasagasa, ayon pa kay De Vega.
Nakikipag-ugnayan din umano ang embahada ng Pilipinas sa mga awtoridad tungkol sa naturang insidente.
Matatandaan na may nireresolbang usapin ang Pilipinas at Kuwait, kaugnay sa ginawang pagsuspinde ng huli sa entry visa ng mga bagong overseas Filipino worker na pupunta sa kanila para magtrabaho.
Nananatili naman ang deployment ban ng Pilipinas laban sa Kuwait sa pagpapadala ng mga bagong domestic workers sa naturang bansa sa Gitnang Silangan.
Samantala, arestado ang isang Cameroonian sa Maynila matapos mabisto ang kaniyang modus na panghihingi ng pera sa pangakong pararamihin niya ito gamit ang mga ipinapahid na kemikal.
Mapapanood sa video ng National Bureau of Investigation ang pagpasok ng dayuhang target sa isang hotel, kasama ang undercover at pagkabigay ng senyas, agad dinakip ang isang Cameroonian.
Nabawi sa kaniya ang P3 milyong marked money at mga paraphernalia na may kasamang puting pulbos at likido na nasa boteng ginagamit umano sa tinatawag na “black dollar peso” scam.