Iniulat ng mga otoridad nitong Biyernes na namatay ang dalawang menor de eded matapos umanong tamaan ng kidlat magkahiwalay na insidente sa General Trias City, Cavite.
Mula sa Barangay Pasong Camachile 2 ang unang biktima na 10 taong gulang at ayon sa ina ng bata, nagpaalam ang kanyang anak na makikipaglaro sa mga kaibigang nagpapalipad ng saranggola sa palayan.
Dagdag niya, pinagbawalan niya ito dahil umuulan na sinabayan pa ng pagkulog. Pero hindi niya alam na lumabas pa rin pala ang kanyang anak.
Maya-maya pa’y nakarinig sila ng hiyawan mula sa labas at sinabing may mga batang tinamaan ng kidlat.
Dali-daling nagpunta doon ang nanay ng biktima at nagulat nang makita ang anak na karga-karga ng kanilang kapitbahay at wala nang buhay.
Sugatan rin ang dalawang kalaro ng biktima.
Sa Barangay San Francisco naman, isang 16-anyos na construction worker ang tinamaan rin ng kidlat.
Naglilikom na ng mga gamit at pabalik na sana sa barracks ang biktima nang mangyari ang insidente, ayon sa City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO). Dead on arrival ang biktima habang sugatan naman ang kanyang kasama.
Ayon kay Executive Assistant Fernando Olimpo ng General Trias City Hall, isolated case ito at nabigla rin sila na may tinamaan ng kidlat sa dalawang magkahiwalay na lugar.
Samantala, inaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police ang isang high ranking official umano ng isang rebeldeng grupo, sa San Jose Del Monte, Bulacan, Huwebes ng gabi.
May arrest warrant laban sa 78-anyos na babaeng hinuli para sa kasong arson, multiple murder at frustrated murder na inisyu ng mga korte sa Samar noong 1990, 2003 at 2012, sabi ng mga opisyal.
Tiklo rin ang kaniyang 74-anyos na asawa nang isagawa ang operasyon sa kanilang bahay sa Barangay Minuyan dahil nahulihan umano ito ng baril.
Itinanggi niyang sa kaniya ang baril at hindi umano sila ang hinahanap ng awtoridad.
Ayon sa CIDG, may patong sa kaniyang ulo na P5.2 million ang hinuling babae.
“Ako, kwan yung bag ko, nilagyan ng baril. Wala naman akong baril eh. Matatanda na kami… Siya, may warrant daw pero ‘di pangalan niya. Ako, wala akong warrant pero hinuhuli daw ako dahil may baril ako, baril na nilagay sa bag ko… Baka lang napagkamalan kami,” sabi ng hinuling lalaki.
Ayon kay Police Maj. Mae Anne Cunanan, tagapagsalita ng CIDG, isa umanong bookkeeper ng communist terrorist group ang babae, habang pinaghihinalaang may katungkulan rin sa grupo ang lalaki.