Mukhang nakahinga ng maluwag ang ilan nating mga kababayan nang maiulat na bumababa na umano ang bilang nga mga pasyenteng may COVID-19 sa ilang mga pribadong ospital sa bansa.
Ayon kasi sa Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. (PHAPI), kahit nakakapagtala ng mataas na kaso ng impeksyon ng COVID-19 ay hindi nagtatagal at bumababa naman ito.
“So far po, for the past week, medyo tumaas ano, napansin natin yung pagtaas ng number of COVID, kahit po ito’y incidental COVID lang, tumaas talaga. Pero for the past siguro, 1 or 2 days, nakita natin na nagpa-plateau. Yung iba nga bumababa pa,” saad ni Dr. Jose Rene de Grano ng PHAPI.
“So far manageable naman po…hindi naman po lahat mataas ang census nila ng COVID-19,” dagdag niya.
Ayon sa doktor, karamihan sa mga naitatalang kaso ay itinuturing na incidental cases o yung mga nagpatingin para sa ibang sakit at natuklasang may COVID-19.
Dagdag pa ni De Grano, karamihan sa mga nagkakaroon ng severe o kritikal na kaso ng COVID-19 ay mga hindi bakunado.
“Ang napansin lang po namin, yung umaabot sa sitwasyon na severe and critical, karamihan po doon ay hindi vaccinated,” sabi ni De Grano.
Patuloy naman na hinikayat ni De Grano ang publiko na magpabakuna. Pero aniya, maganda rin kung ang pamahalaan na ang magbabahay-bahay para mabakunahan ang lahat kontra COVID-19.
“Siguro mas maganda na sila na ang pumunta sa ating mga barangay at mag-alok ng bakuna kaysa po maghintay tayo sa ating mga health centers at local government units na pumunta ang mga tao,” saad ni De Grano.
Sana nga ay magtuluy-tuloy na ang pagbaba ng bilang ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa at paalalang muli sa sambayan, manatiling sumunod sa mga health at safety protocols upang hindi na lumala pa ang sitwasyon.