Iniulat ng mga otoridad nitong Martes na dalawang senior citizen ang nagtamo ng mga sugat matapos umano silang pukpukin ng martilyo sa ulo ng mga nanloob sa kanilang bahay sa Balasan, Iloilo.
Ayon sa paunang imbestigasyon, lumabas na tinutukan muna ng mga suspek ng baril ang driver at kasambahay na nasa kusina at pagkatapos nito at pumasok sa kuwarto ang mga suspek at pinukpok ang mga biktima.
Nasa maayos nang kondisyon ang mga biktima sa ospital, ayon sa pulisya.
Nakuha ng mga suspek ang hard drive ng CCTV ng mga biktima.
Samantala, isang 13-anyos na babae ang ginahasa umano ng tatlong lalaki na magpipinsan sa Cotabato City.
Batay sa imbestigasyon, pupunta sana sa kaniyang kaklase ang biktima nang bigla siyang isakay ng isang 18-anyos na babae na umano’y bugaw at dinala umano ang biktima sa bahay ng mga suspek at doon pilit na pinainom ng alak na may pampatulog.
Pinagbantaan din umano ang biktima na papatayin.
Bukod sa tatlong magpipinsan, naaresto rin ang sinasabing babaeng bugaw.
Sa ibang ulat, hindi nakaligtas sa tama ng kidlat ang tatlong magkakamag-anak sa Samal, Bataan kahit pa nakasilong sila sa kanilang kubo na ikinasawi ng dalawang katao.
Kinilala ang dalawang nasawi na magtiyuhing sina Kevin at Elvin Sacris habang nasugatan pero nakalabas na ng ospital si Eddie Sacris, na ama ni Kevin.
Ayon sa mga awtoridad, nangyari ang trahediya sa Barangay Palili habang nakasilong ang tatlo sa isang kubo na nasa tabi ng mataas na puno ng niyog.
Nang biglang kumidlat, tinamaan ang puno, at tumama naman ang kuryente nito sa kubo na kinaroroonan ng mga biktima.
“Yung pinakakuryente, tumama sa kanila. Hindi sila yung totally direct hit o direct struck ng kidlat,” ayon kay Jason Gloria ng Samal DRRM Office.