Hindi maikakailang nakakalungkot ang nangyaring pagbagsak ng isang malaking puno ng balete sa Estero de Magdalena sa Maynila kung saan tatlo na ang naiulat na namatay habang maraming pamilya naman ang nawalan ng tirahan.
Katunayan, nag-iisip na ang ilang residente sa Estero de Magdalena kung lilipat pa sila ng lugar o kung mananatili sila sa kanilang mga kinalalagyan.
Kung matatandaan, natumba noong gabi ng Miyerkoles ang isang Balete sa mga bahay sa komunidad at inilikas ang 13 pamilya sa Delpan evacuation center.
Ayon naman sa ilang mga residente, hindi sila aalis kung sakaling mabigyan man ng relokasyon dahil malapit umano ito sa kanilang trabaho.
Ang ilan kasing nakatira sa estero ay mga nagtitinda sa Divisoria.
Sinabi naman ng ilang mga residente na handa silang lumikas pero sa kondisyong may kabuhayan sa kanilang lilipatan.
Nakikipag-ugnayan na ang Barangay 294, na nakakasakop sa estero, sa National Housing Authority kaugnay sa lilipatan ng halos 40 pamilyang nakatira sa komunidad.
“Sabi nila (NHA) aayusin na nila kung paano sila ire-relocate. Ang alam ko sa Cavite,” saad ng barangay chairwoman na si Marissa Sabado.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Maynila, matagal nang nakaplano ang relokasyon ng mga nakatira sa estero subalit naantala ito ng COVID-19 pandemic.
Sana lamang ay makagawa na ng paraan ang pamahalaan at ang lokal na pamahalaan ng Maynila kung paano mareresolba ang suliranin na ito.
Kailangan ring pag-isipan kung paano maisasaayos ang lilipatan at magiging kabuhayan ng mga lilisan na sa estero.