Sinabi ng prosekusyon na humahawak sa John Matthew Salilig hazing case na naghain umano ng petition for bail ang limang akusado nitong Miyerkoles.
Kabilang sa mga naghain ng naturang petisyon sa Biñan Regional Trial Court Branch 155 sina Daniel Perry alyas Sting, Michael Lambert Ricalde alyas Alcazar, Sandro Victorino alyas Loki, Mark Pedrosa alyas Makoy at Tung Cheng Teng alyas Nike na dumalo sa pamamagitan ng video conferencing.
Dumalo rin sa hearing ang isa sa mga testigo na si Roi Osmond Dela Cruz, ang neophyte na kasama ni Salilig na sumailalim sa welcoming rites noong Pebrero 18.
Namatay kalaunan si Salilig dahil sa mga tinamong palo. Ibinaon umano ng mga ka-frat ang bangkay niya at natagpuan ito matapos ang 10 araw.
Ayon kay Atty. Victor Dalanao ng prosecution, binawalan sila ng korte na ibigay ang detalye ng pagdinig. Pero iprinisinta aniya nila si Dela Cruz at ibang ebidensya ngayong araw sa korte.
“Basically naman yung point lang nung petition for bail is sinasabi nung mga limang accused na nagfile ng petition for bail na kulang yung ebidensya namin yung evidence of guilt is not strong. Basically yun yung pino-point out nila, pero kaya naman namin prinesent yung witness namin mismo si Roi kasi siya mismo yung nag-undergo nung initiation,” saad ni Dalanao.
Dagdag niya, ikinuwento ni Dela Cruz ang nangyari mula recruitment hanggang sa initiation rites.
Matapos ang pagdinig sa direct testimony ni Dela Cruz, babalik siya para sa cross examination.
Ayon kay Dela Cruz, bagama’t may takot, lumalakas ang kanyang loob dahil sa suporta ng pamilya. Iniisip rin aniya niya si Salilig at pamilya nito.
“Medyo kinakabahan ako kanina. Iba yung feeling kanina nung nagwiwitness ako, siyempre yun yung tamang gawin… May trauma pa rin pero walang may kagustuhan nung nangyari pero may dapat kasing managot kaya nandito ako. For now set aside muna by laws ng brotherhood namin. Doon muna ako sa tama sa mata ng batas ng tao at saka ng Diyos,” sabi ni Dela Cruz.
Sa Hunyo 7 ang susunod na bail hearing. Hunyo 28 naman ang itinakdang petsa sa main trial ng pitong akusado.