Iniulat ng mga otoridad nitong Miyerkules na isang estudyante ng University of Santo Tomas ang nagtamo ng mga galos at sugat sa katawan matapos mabangga ng isang kotse sa Sampaloc, Maynila.
Ayon sa mga ulat, nakita sa CCTV ang estudyante na naglalakad sa may sidewalk sa kalye ng Marzan nang bigla siyang suruhin ng isang pulang kotse at sa bilis ng takbo nito, tumilapon ang biktima at bumangga pa sa pintuan ng katapat na bodega.
Ayon kay barangay chairman Hermie Cabrera, naabutan niyang nakahandusay ang biktima sa bangketa. May malay naman ang estudyante pero hinintay pa aniya nila ang ambulansya bago ito naisugod sa ospital.
Base sa imbestigasyon ng Manila District Traffic Enforcement Unit, binabagtas ng driver ng kotse ang westbound lane ng Dapitan St. nang biglang mag malfunction umano ang minamanehong sasakyan kaya nahagip ang estudyante.
Nakipagkasundo naman ang driver nito at sinabing sasagutin niya ang pagpapagamot ng nasugatang biktima.
Pinag-iingat ng mga awtoridad ang mga nagmamaneho para makaiwas sa aksidente.
Sa iba pang balita, itinanggi ng Quezon provincial police na magkakaugnay ang serye ng pamamaril ng mga naka-motorsiklong suspek sa Lucena City at bayan ng Tiaong.
Aabot na sa 5 ang nasawi, kabilang ang isang 12 anyos na estudyante, habang 3 ang sugatan sa mga insidente mula Mayo 9 hanggang 16, ayon sa pulisya.
Pero nilinaw ni Quezon police spokesperson Capt. Lovelynn Lalunio na hindi magkakaugnay ang mga kaso at hindi dapat mabahala ang publiko dahil walang vigilante group na nasa likod ng mga pamamaslang.
“Lahat po ng motorcycle na ginamit ay iba’t iba so bale lahat po ng details ng sinakyan… Iniisa-isa po ng ating mga detective para sa pagkakakilanlan ng mga suspek,” ani Lalunio.
“Lahat po ng kasong ito ay isolated at may iba’t ibang motibo tayo na tinitingnan,” dagdag niya.
May binuo na rin umanong tracking team ang Quezon police para tugisin ang mga salarin.